ARREST WARRANT, INISYU NG RTC LABAN KAY ATONG ANG; MATIBAG, CHRISTMAS WISH NA MAARESTO SIYA AT IBA PANG PERSONALIDAD NA NAGTATAGO
Advertisers
Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag nitong Martes, Nobyembre 24, 2026, na isa sa mga nangunguna niyang Christmas wish ang maaresto na nila ang gaming tycoon na si Atong Ang na iniuugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero, gayundin ang iba pang personalidad na nagtatago sa batas.
Ang pahayag ay ginawa ng NBI chief nitong Martes, matapos mag-isyu ng arrest warrant ang Manila Regional Trial Court Branch 175 laban kay Ang.
Ayon kay Matibag, umaasa siyang “dumating ang Pasko nang mas maaga” sa pamamagitan ng pagkakadakip kay Ang, na hindi pinayagang magpiyansa at may nakapatong rin na P10 milyon pabuya sa ulo.
Ani Matibag, may malakas silang indikasyon na nasa Pilipinas pa rin si Ang at kasalukuyan nilang bineberipika ang impormasyong nagtatago ito sa mga high-end casino.
Hiling din umano ni Matibag na mahuli o mapauwi sa bansa ang iba pang high-profile personalities na pinaghahanap ng batas, kabilang sina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, dating BuCor Chief Gerald Bantag, dating Cong. Zaldy Co at dating presidential spokesperson Harry Roque.
Samantala, dinismiss naman sa serbisyo si Police Lieutenant Ryan Jay Orapa dahil sa pagkakasangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Kinumpirma ito ng Department of Justice (DOJ) kung saan ang arrest warrant ay inisyu noong Oktubre 30,2026. Sa kautusan ng korte, sinabing na may sapat na ebidensya laban sa mga akusado para sila ay litisin sa korte.
Napag-alamang bago ang pag-isyu ng arrest warrant kina Ang at Orapa na kabilang sa mga akusado sa ‘Manila Arena case’ sa kasong kidnapping at serious illegal detention ng mga sabungero na hanggang ngayon ay nawawala.
Ayon sa Manila RTC Branch 185, pinayagan ang mosyon na maamiyendahan ang “information” ng kaso matapos mapatunayan na may prima facie evidence para idiin sa kaso sina Ang at Orapa.
Si Ang ay patuloy na nagtatago habang nahaharap kasama ang 21 iba pa, sa kasong 10 counts of kidnapping with homicide at 16 counts ng kidnapping with serious illegal detention. Ang kaso ay isinampa sa iba’t-ibang regional trial court kabilang ang sa Lipa City, Santa Cruz at San Pablo sa Laguna. (JERRY S. TAN)