Advertisers

Advertisers

Duterte sinalubong pagdating ng Sinovac Covid-19 vaccine

0 252

Advertisers

NANGUNA si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsalubong sa 600,000 doses na donasyong Sinovac vaccine ng China.
Bago pa man mag-alas-5:00 ng Linggo ng hapon ay dumating na sa Villamor Air Base ang convoy ng pangulo.
Kasunod nito ang pagtungo sa kinalalagyan ng mga bakuna kontra Coronavirus Disease (COVID), at doon sila nag-usap ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Ilan sa mga opisyal ng gobyerno na sumalubong sa COVID vaccine arrival ay sina Sen. “Bong” Go, Presidential spokesman Harry Roque, Health Sec. Francisco Duque, Executive Secretary Salvador Medialdea at iba pa.
Isa-isang ini-offload mula sa Chinese military aircraft ang kahong-kahon na naglalaman ng Sinovac at ito ay dinis-infect, bago kumuha ang pangulo ng sampol nito at ipinakita sa harap ng camera.
Nagpasalamat si Digong sa pamahalaan ng China para sa kanilang donasyong bakuna na panlaban sa nakakamatay na virus.
Kasabay nito, tiniyak ng pamahalaan na magtutuloy tuloy na ang pagdating sa bansa ng mga bakuna kontra Coronavirus Disease.
Muling hinikayat ni Roque ang publiko na huwag nang magdalawang isip na magpa-bakuna kahit pa hindi naman 100% sure na hindi na tatamaan ng COVID, pero ang mahalaga, ay hindi magiging malala ang mararanasang sintomas. (Josephine Patricio/Vanz Fernandez)

DOH: Symbolic vaccination isasagawa sa iba’t-ibang ospital bukas (sub-title)
MAGSASAGAWA ng symbolic vaccination ng Coronavac vaccines ng Sinovac Life Science Co, Ltd sa iba’t ibang ospital sa National Capital Region (NCR) bukas, Marso 1.
Sa inilabas na media advisory ng Department of Health (DOH), alas-9 ng umaga ay magkakaroon muna ng press conference sa PGH.
Inaasahan namang dadalo sa PGH sina Secretary Carlito Galvez, Sec. Harry Roque, FDA DG Rolando Enrique Domingo, MMDA Chair Benhur Abalos, Manila Mayor Isko Moreno at DOH ARD Maria Paz Corrales.
Magkakaroon din ng programa sa PGH bago tumulak ang mga opisyal ng gobyerno sa iba’t-iba pang vaccination sites sa Metro Manila.
Ayon sa DOH, sa darating na mga araw ang roll out ng bakuna ay gagawin din sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Alas-9:30 ng umaga ay magsasagawa rin ng symbolic vaccination sa ilang mga ospital kabilang ang Lung Center of the Philippines, Veterans Memorial Medical Center, Dr. Jose N. Rodriquez Memorial Hospital and Sanitarium at Philippine National Police General Hospital.
Sa Lung Center inaasahang darating sina Sec. Francisco Duque III, MMDA GM Jojo Garcia, Quezon City Mayor Joy Belmonte at DOH RD Corazon Flores.
Sa Dr. Jose N. Rodriquez memorial Medical Center and Sanitarium sa Tala naman ay sina Sec. Vince Dizon, Caloocan Mayor Oscar Malapitan, MMDA COS Michael Salalima at DOH Asec Elmer Punzalan.
Dadalo naman sina Sec. Delfin Lorenzana, Quezon City Mayor Joy Belmonte at DOH Dir. Napoleon Arevalo sa Veterans Memorial Medical Center.
Sa PNP General Hospital naman ay sina DILG Sec. Bernardo Florence, PGen. Debold Sinas, DOH Dir. Aleli Annie Grace Sudiacal at kasama pa rin ang alkalde ng QC.
Sa Victoriano Luna Medical Center naman ay sina AFP Chief of Staff Cirilito Sobejana, Surgeon General Nelson Pecache, DOH RD Corazon Flores at Mayor Belmonte.
Ang Sinovac ay dumating nitong Linggo ng hapon kung saan nagkaroon ng arrival ceremony sa Villamor Airbase. (Jocelyn Domenden)