Advertisers
IGINIIT ng Department of Health (DOH) na hindi pa kasali sa priority list ng mga mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga indibidwal na may depresyon.
“Habang hindi pa husto ang ating bakuna para sa lahat, ating ipapatupad itong sub-prioritization kung saan yung mga sakit na ipinakita ni Dr. (John) Wong na may basehan tayo sa pag-aaral sa outcomes ng COVID-19, sila muna ang uunahin,” pahayag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Sa isang press briefing, sinabi ng epidemiogist at miyembro ng IATF-Technical Working Group on Data Analytics na si Dr. John Wong na pitong karamdaman ang prayoridad sa pagbabakuna.
Kabilang na rito ang chronic respiratory disease, hypertension, cardiovascular disease, chronic kidney disease, malignancy, diabetes mellitus, at obesity.
Paliwanag ni Dr. Wong, sa ngayon wala pang ebidensya na nakaka-apekto ang depresyon para lumala ang impeksyon sa COVID-19 ng isang tao.
“Although it is a pre-existing illness, it doesn’t found through studies that it increases the risk of severe disease, ICU admission/death. Presently it is not included in the A3 group.”
Iginiit ni Vergeire na bagama’t kinikilala ng pamahalaan ang kahalagahan ng maayos na mental health, kailangan munang mauna sa pagbabakuna ang mga itinuturing na “at risk” sa coronavirus infection.
“Marami talaga ang sakit na saklaw ng comorbidities at kasama na diyan ang depression… pero ang ginagawa natin sa ngayon ay science and evidence-based so that we can rationally allocate these vaccines.”
Matatandaan na marami ang kumwestyon nang maturukan ng COVID-19 vaccine ang aktor na si Mark Anthony Fernandez.
Ayon kasi kay Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, pasok naman sa grupo ng mga may comorbidity ang aktor dahil mayroon siyang altapresyon at depresyon.
Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Rodridgo Duterte ang desisyon ng Parañque City government na mabakunahan ang aktor.
Ito ay kahit hindi pa tapos mabakunahan ang target na 1.7-million healthcare workers, na pinaka-una sa vaccine priority list.
Kamakailan nang maglabas ng resolusyon ang Inter-Agency Task Force na pinapayagan ang sabayang pagbabakuna sa A1 hanggang A3 priority groups.
Pasok sa mga grupong ito ang healthcare workers, senior citizens, at mga may comorbidity.