Advertisers
SA Hunyo 12, Independence Day, iaanunsyo ng 1Sambayan ang kanilang nominees para sa 2022 national election.
Ito ang ipinahayag ni 1Sambayan spokesperson Atty. Hoard “Howie” Calleja sa ‘Meet the Press’ weekly forum ng National Press Club nitong Biyernes ng umaga.
Ang ibig sabihin ng 1Sambayan ay 1 para sa ‘pagkakaisa’ o unity; Samba, ‘makatao’t maka-Diyos; Bayan, ‘pagmamahal sa bayan’.
Ang 1Sambayan ay inilunsad last year ng dalawang retired Supreme Court Associate Justices na sina Antonio Carpio at Conchita Carpio-Morales na dati ring Ombudsman, at dating Foreign Secretary Alberto del Rosario.
Ang layunin ng 1Sambayan ay pagkaisahin ang mga oposisyon, magkaroon ng isa lamang na kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo laban sa mga kandidato ni Pangulong Rody Duterte sa 2022.
Ayon kay Callleja, kapag nagkaisa ang lahat ng oposisyon ay siguradong mananalo ang kanilang kandidato sa pagkapangulo, pangalawang pangulo at mga senador. Makakakuha sila ng higit 40 milyong boto sa almost 60 milyong rehistradong botante out of more than 100 million Filipinos.
Noong 2016 Presidential election, si Duterte ay nakakuha lamang ng higit 16 milyon boto out of almost 55 million voters.
Lima ang tumakbo sa pagkapangulo noon: Mar Roxas, Grace Poe, Jojo Binay, late Miriam Defensor-Santiago at Duterte.
Ang boto nina Roxas at Poe kung pagsasamahin ay sob-rang lamang na laban kay Duterte.
Obviously, ang supporters ni Duterte ay hindi na nadagdagan bagkus ay nabawasan ng malaki ngayon, ayon sa mga political analyst.
Ang supporters na tumalikod kay Duterte ay ang mga militante na tinagurian nilang komunista at pinagpapatay ngayon.
Sabi ni Calleja, dadaan sa mahigpit na proseso ang pagpili nila ng kandidato para sa Pangulo, Pangalawang Pangulo at 12 Senador.
Gagawa, aniya, sila ng app para makasali ang taongba-yan sa proseso ng pagpili ng mga kandidato.
Kabilang sa requirements nila sa mga kukuning kandidato ay ang track records, integridad, at kung ano ang plataporma nito sa good governance.
Ilan sa mga kinokonsiderang presidentiables ng 1Sambayan ay sina Vice President Leni Robredo, Senador Grace Poe, Sen. Nancy Binay, ex-Sen, Antonio Trillanes, at Manila Mayor Isko Moreno. Open pa raw sila sa mga irerekomenda ng taongbayan.
Abangan nalang natin sa Hunyo 12 (Sabado), 2021.
***
Ibinalita naman ni DENR Usec. Benny Antiporda na sarado nang lahat ang open dumpsites matapos magtapos ang deadline nitong katapusan ng Marso.
Ipinasara ng DENR ang open dumpsite dahil sa masamang amoy na nadadala ng hangin, pinamumugaran ng mga peste, at inaanod ang katas at mga basura pag inabot ng malaking baha.
Ayon kay Antiporda, nakahanda namang tumulong ang kanilang tanggapan sa LGUs na gagawa ng sanitary landfill na aniya’y malaking halaga ang kailangan para magkaroon nito.
Ang mga LGU na magpupumilit ng open dumpsite ay kanilang kakasuhan. Bravo!