Advertisers
PATULOY na bumababa ang bilang ng mga naitatalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas kada araw ayon sa Department of Health (DOH).
Base sa datos ng DOH, mula Hunyo 16 hanggang 22, nasa 5,790 na bagong kaso ng COVID-19 ang tinatayang naitala sa buong bansa.
Mababa ito kumpara sa higit 6,000 mula Hunyo 1 hanggang 15.
“Although we’re happy that these number of cases are going down, its still down from the pre-spike cases daily on the national level,” ayon kay Dr. Alethea de Guzman, OIC-Director ng DOH Epidemiology Bureau.
Naobserbahan ng ahensya na bumagal ang pagbaba ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) Plus.
Mula sa 825 na bagong kaso ng COVID-19 noong ikalawang linggo ng buwan, bumaba na lang daw sa 685 ang naitala ng NCR sa nakalipas na linggo.
Ang natitirang bahagi naman ng Luzon, nagpapakita raw ng senyales ng patuloy na pagbaba sa numero ng confirmed cases.
Ang binabantayan lang daw ng Health department ay ang Cordillera region at Central Luzon dahil sa pabago-bagong trend ng kanilang mga kaso.
“Sa Visayas medyo flat. Yung Mindanao ganon din, medyo tumataas at bumababa. Inconsistent yung trend pero pataas pa rin overall ang kanyang trend.”
Ayon kay De Guzman, patuloy na tumataas ang bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa Davao region, Soccsksargen, at Caraga.
Binigyang diin ng opisyal ang kahalagahan ng pagsunod ng publiko sa minimum public health standards at pagbabakuna bilang susi para maagapan ang pagkakahawa sa COVID-19.
Inamin ni De Guzman na nakakaapekto sa pagtaas ng mga kaso ang presensya ng COVID-19 variants kaya importante umano na sundin ng publiko ang mga kampanya ng pamahalaan laban sa virus.