Advertisers
MATAPOS makatanggap ng liham mula kay Van Jason Arellano, incoming freshman sa Mindanao State University, na nanghihingi ng tulong para makabili ng gadget na gagamitin sa pag-aaral, agad biniyayaan ni Senator Christopher “Bong” Go ng tablet ang estudyante na magagamit nito sa pasukan.
“May ipinadala akong tablet sa iyo. Sana ay makakatulong ito sa iyong pag-aaral,” ayon kay Go kay Arellano sa kanyang video message.
“Alam kong isa kang matalinong estudyante at nagpupursige talaga. Magpasalamat tayo sa ating mga magulang na ginagawa ang lahat para makapag-aral at makatapos ka. Ingat lagi, Van Jason, and study well. Salamat,” dagdag ng senador
Sa liham ni Arellano kina Senator Go at Pangulong Rodrigo Duterte na may petsang August 20, sinabi ni Arellano na pang-apat siya sa limang magkakapatid. Ang kanyang mga nakatatandang kapatid ay pawang nasa kolehiyo habang ang bunso ay nasa high school.
Dahil ang ama lang niya ang kumakayod sa pamilya bilang construction worker, hindi umano niya kayang bumili ng bagong gadget na magagamit sa kolehiyo.
Dahil dito, naisip ni Arellano na maglakas ng loob na humingi ng tulong sa pamamagitan ng social media. Ang kanyang post na #PisoParasaLaptop na humihiling ng ambag na piso para makabili ng laptop o tablet ay naging viral sa social media.
Marami namang Filipino ang tumugon sa kanyang kampanya at nagbigay ng tulong.
Nagpadala rin siya ng liham kay Sen. Go sa Facebook page.
“Sa kabila ng mahirap na buhay at hinaharap na pandemya, mayroon pa rin tayong mga kababayan na nagsusumikap para sa kanilang kinabukasan. Katulad ni Van Jason Arellano, na gusto makapagtapos ng pag-aaral ngunit nangangailangan ng dagdag na tulong,” ani Go.
“Kami ni Pangulong Duterte, naintindihan namin kung gaano kahirap ang buhay lalo na ngayon sa panahon ng krisis kaya nagdesisyon siyang i-postpone muna ang pagbubukas ng klase upang maplantsa at maayos ang mga kailangan at mabigyan ng oras ang mga estudyante, teachers, learning institutions at education authorities na makapaghanda pa lalo,” paliwanag ni Go.
Bukod kay Van Jason, binigyan din ng senador ng tig-iisang tablet ang mga kapatid niya para magamit sa pasukan.
Ang sana’y pagbubukas ng klase sa August 24 ay naurong sa October 5 dahil na rin sa kahilingan ni Sen. Go na layong bigyan pa ng sapat na oras ang mga estudyante, mga magulang, guro at learning institutions para mas makapaghanda.
“Isa ako sa sumuporta sa batas na ipinasa namin giving the authority to the President na i-postpone ang pagbubukas ng klase dahil nakikita ko talaga na ang mga magulang ay takot po sila. Isa lang po ‘yun sa mga suggestion na di ma-pressure ang mga estudyante. Importante po ay ‘wag kalawangin ang estudyante, makapag-aral sila at ang kanilang knowledge ay tuluy-tuloy towards another year level at makakapasa pero sana po ay huwag silang ma-pressure dahil takot silang bumagsak. Bigyan muna natin sila ng palugit o konsiderasyon para ‘wag silang ma-pressure,” anang senador. (PFT Team)