Advertisers
SINABI ng OCTA Research Group nitong Miyerkules na bahagya pang bumaba ang COVID-19 reproduction number sa Metro Manila ngayong linggong ito dahil sa patuloy na pagkakatala ng average na mahigit sa 5,000 COVID-19 cases kada araw.
Ayon kay Dr. Guido David, ng OCTA, ang reproduction number sa National Capital Region (NCR) ay nasa 1.34 na lamang ngayong linggong ito, o pagbaba ng 1.39 nitong nakalipas na pitong araw.
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring maihawa ng isang pasyente ng COVID-19.
Sinabi ni David na ang NCR ay nakapagtala rin ng average na 5,854 daily COVID-19 cases sa nakalipas na linggo, na may growth rate na 11%.
Inaasahan din naman umano ni David na makapagtatala pa ang bansa ng mas mababang kaso ng COVID-19 nitong Miyerkules na maaaring pumalo sa 15,000 o pagitan ng 14,000 hanggang 18,000.
Samantala, sa pagtaya ni David, posible umanong umabot na lamang sa 4,000 kaso ang maitala sa NCR.
“I am expecting lower numbers today. For PH, the range is 14k to 18k and my guts says 15k, with 4k in the NCR,” sabi ni David, sa kanyang Twitter account. (Andi Garcia)