Advertisers
MATAPOS personal na daluhan ang pagbubukas ng ika-142 Malasakit Center sa Valenzuela Medical Center at bisitahin ang existing Malasakit Center sa Valenzuela City Emergency Hospital, tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go na magpapatuloy ang operasyon ng mga nasabing center para makatulong sa mahihirap na pasyente at mga nangangailangan ng medical assistance, lalo ngayong nasa gitna ng krisis ang bansa.
Sa kanyang talumpati, lubos na pinasalamatan ni Go ang lahat ng Malasakit Center employees at medical frontliners sa kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya, partikular sa kanilang ginagawang pagsalba at pagpoprotekta sa buhay ng mga Filipino.
“Sa lahat po ng mga empleyado ng Malasakit Center dito sa Valenzuela (City) Emergency Hospital, maraming salamat po sa inyo. And, before I forget, ang pinakaimportante po sa panahon ngayon, ang lahat po ng mga frontliners po, maraming, maraming salamat po sa inyong sakripisyo,” sabi ni Go.
“Hindi po nababayaran ng kahit ano ang inyong sakripisyo sa panahon ngayon. Pakiusap ko lang po sa inyo, lalong-lalo na po sa mga Malasakit social workers, please lang po, huwag niyo pong pabayaan ‘yung mga mahihirap po, ‘yung mga walang matakbuhan, ‘yung mga helpless, ‘yung mga hopeless po,” pakiusap ng senador.
Pinayuhan din ni Go ang mga pasyente na ikuwento at ibalita sa kanilang komunidad ang tungkol sa programang ito ng pamahalaan na pamimigay ng tulong sa pamamagitan ng one-stop shops na ito o Malasakit Centers para sila rin ay mabigyan ng medical assistance.
‘Yung mga pasyente dyan sa likod, sabihin niyo po sa inyong mga kapitbahay, mayroon kayong Malasakit Center, dalawa na po dito sa Valenzuela,” ani.
“Batas na po ‘yan, isinulong namin ni Senator Win, Congressman Wes, Congressman Eric, at iba pang mga mambabatas ninyo. Ang Malasakit Center po ay one-stop shop, nasa loob na ho ng hospital ‘yung apat na ahensya ng gobyerno – PhilHealth, Philippine Charity Sweepstakes Office, Department of Health, at Department of Social Welfare and Development,” ayon kay Go.
Ang Republic Act 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, ay iniakda at inisponsoran ni Go, na kalauna’y nilagdaan ni Pangulong Duterte para maging ganap na batas noong December 2019.
Sa kasalukuyan ay mahigit na sa 3 million ang nakikinabang sa serbisyo ng Malasakit Center.
“Hindi ko na po hahabaan ang aking sasabihin. Mga kababayan ko, kami ni Pangulong Duterte ay handang magserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aming makakaya. Ayaw namin mangako, magtatrabaho lang po kami para sa inyong lahat.”
“At tandaan natin, makinig kayong mabuti ha. Sana po’y maalala ninyo ito na nagtagpo tayo kahit isang beses sa buhay natin. Tandaan niyo po itong sasabihin ko, minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung ano pong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa tao, gawin natin ngayon, dahil hindi na po tayo babalik sa mundong ito,” idiniin ng mambabatas.
Kaugnay nito, nanawagan si Go sa mga kakandidato na habang wala pang kampanya ay huwag muna pag-usapan o unahin ang pulitika dahil mas kailangan aniya ng taumbayan na sila magtrabaho para sa kapakanan ng bawat Filipino.
“Ulitin ko po, bakuna muna bago ang pulitika. ‘Yun po ang kailangan natin sa ngayon,” ani Go, chairman ng Senate Committee on Health.