Advertisers
HANGGANG ngayon, hindi alam ng gobyerno ni Rodrigo Duterte kung ano ang ilalatag na patakaran pagdating sa mga nilalang na dumarating sa ating bansa. Isang malaking patawa ang sinabi noong Lunes ni Herminio Roque Jr. (ito ang tunay na pangalan ni Harry), tagapagsalita ni Duterte sa Palasyo.
Obligado ang lahat ng mga bakunadong maglalakbay sa bansa na sumailalim ng limang-araw na kuwarantina sa araw na dumating sila sa Filipinas; ang hindi bakunado, pitong araw, ani Herminio Roque Jr.. Ito ang nakakatawa: Kikilalanin ng Filipinas ang mga vaccine certificate na inisyu ng ibang bansa, ngunit kailangan kilalanin ng ibang bansa ang vaccine certificate na inisyu ng Filipinas.
Sa larangan ng diplomasya, naiintindihan ng bawat bansa ang prinsipyo ng “reciprocity,” o sulkian. Sinusuklian kung ano ang ginagawa ng isang bansa sa isang kaibigang bansa sa paraan nais ng ibang bansa. Gantihan ng kabutihan ang tawag ng iba sa prinsipyong iyan.
Mahirap suklian ng ibang bansa ang gusto ng Filipinas batay sa salita ni Herminio Roque Jr. Madalas na Sinovac ng China ang gamit na bakuna sa Filipinas. Ito ang inangkat ng gobyernio ni Duterte mula sa China bilang bahagi ng programa sa bakuna. Hindi kinikilala ng ibang bansa ang Sinovac dahil hindi maganda ang reputasyon pagdating sa bisa at galing ng bakuna.
Pinagtatawanan ang Sinovac sa larangan ng gamutan hinggil sa Covid-19. Itinuturing na isang produkto na hindi papasa sa pamantayan ng mga Kanluraning bansa. Kinikilala sa ibang bansa ang bakuna ng Pfizer, Moderna, Astra Zeneca, Johnson & Johnson, at iba pa. Wala sa listahan ang Sinovac. Hindi namin alam kung batid ito ni Herminio.
Masisilip na nais ni Duterte na kilalanin ng ibang bansa ang Sinovac ngunit malabong mangyari ito. Wala sa poder si Duterte upang igiit na tanggapin ang bakuna ng bansa na kanyang sinasamba. Ginamit pa si Herminio sa kanilang maitim na balak. Pagtatawanan sila.
***
PUNONG-PUNO ng pinagsamang kimkim na galit, pagkukunwari, at inggit ang asal ng Palasyo tungkol sa Nobel Peace Prize ni Maria Ressa. Binati kunwari ni Herminio Roque Jr. (sino pa ba ng papapel sa kahungkagan ng gobyernong ito kundi ang pipitsugin at patapon na si Harry?) si Maria Ressa, ngunit hindi napigil ang kanyang pinagtatawanang galit sapagkat binanatan ni Herminio Roque Jr. si Maria Ressa sa huli.
Hindi bahagi sa kultura ng mga Filipino ang ganitong asal. Babatiin ngunit babatikusin sa huli. Walang saysay ang batikos ni Herminio dahil ginamit niya ang mga salita ng inggiterong nag-uulyanin na si F. Sionil Jose. Hindi nanalo si Jose ng gantimpala mula sa Nobel Prize Awards Committee. Hindi sumikat sa buong mundo si Jose ang kanyang kathang isip. Kahit sa Filipinas, hindi siya binabasa. Tanging si Jose ang kumontra sa award ni Maria Ressa. Humabol si Bato.
***
NABULABOG ang mga panatikong supporter ni Leni Robredo nang lumabas ang aming kolum noong Lunes na nagsabing hindi pa panalo si Leni kahit may matindi at malakas na pagsang-ayon sa kanyang deklarasyon na tatakbo siya sa panguluhan sa halalan sa 2022. Sinabi namin na hindi ganoon kasimple ang larawan ng pulitika sa bansa. Basta umingay sa social media, nanalo na. Hindi tagumpay ang ingay sa socmed. Kahit kailan.
Nabubulagan ang maraming panatiko ni Leni. Maraming bagay na hindi nakikita. Iba sila sa mga tagataguyod ni Leni na makatuwiran mag-isip. Sila iyong mga naghuhuramentado kapag hindi pabor kay Leni ang opinyon ng iba. Ang nais nila ay opinyon na sinasamba si Leni.
Pinakauna ang kawalan ni Leni ng paghahanda upang magkaroon ng tsansa na lumaban. Dahil nahuli sa desisyon at sa matagal na panahon ay nag-urong-sulong kung lalaban o hindi, hindi malakas ang tsansa niya na magtagumpay sa 2022. Walang makinarya na magtratrabaho sa grassroot level. Wala siyang organisasyon ng tatapat sa organisasyon ng kanyang kalaban.
Dahil natulog ang kanyang lapian at ngayon lamang nagigising, wala siyang pera na pantapat sa bilyones ng kanyang mga kalaban. Hindi namin nakikita ang tagumpay kung aasa lang siya sa mga bigay ng maingay na tagasubaybay sa social media. Magbibigay ng P500 ang bawat isa, ngunit may ugaling hindi maganda. Tingin nila ay may prangkisa sila kay Leni. Sila na ang nagmamay-ari kay Leni. Huwag magkakamaling magbigay ng opinyon na na taliwas sa pag-iisip nila at lalapain ka sa social media
Nang ilunsad ni Leni ang kanyang kandidatura, wala siyang inilabas na political ads kahit isa. Hindi siya maihahambing sa mga kalaban. May isang hunghang na panatiko na nagsabing hindi niya kailangan ang political ads dahil maingay ang social media dahil marami ang sumusuporta. Mali. Maling-mali.
Ngayon, maraming Filipino ang may account sa social media. Lampas 80 milyon ang social account ng mga Pinoy sa Facebook; 45 milyon sa Twitter. Ang problema ay nasa 2-3% ng mga socmed account ang aktibo. Mas mababang bilang ang nagbabasa ng mga post o balita tungkol sa pulitika ng bansa. Ginagamit ng Pinoy sa socmed sa iba’t-ibang larangan at paraan – negosyo, hanapbuhay, talastasan at pakikipagkaibigan, paghahanp ng kasintahan, at iba pa. Kaunti lang ang may interes sa pulitika.
Kaya kailangan ang mga political ads at ito ang paraan para marating ang mas malaking bahagi ng populasyon kasama na ang madalas banggitin ni Leni at mga lenitic – “ang mga nasa laylayan ng lipunan.” Kahit napapansin na may nagaganap ng “Pink Revolution” umano sa social media, hindi madali upang maging boto ang mga iyon sa 2022 at ipanalo si Leni. Katakot-takot na paghihirap at tanging ang isang maayos na estratehiya at paghahanda ang magdadala sa tagumpay. Mayroon ba ng kampo ni Leni ng ganoon?
***
IMINUNGKAHI ni netizen Rodolfi Divinagracia na gamitin ng kampo ni Leni ang Samahang Magdalo bilang bahagi ng kanyang makinarya. Dahil wala siyang makinarya, maiging isama ang mga mandirigma ng Magdalo sa makinarya. Malakng bilang sa kanila ang dating mga sundalo na sanay na mabibigat na gawain. May isinulat si Rody tungkol sa makinarya ni Leni:
1Sambayan must make its role for Leni and her candidates very clear in the soonest time possible. It must give clarity on two things:
1.) Will it provide for logistical kitty on Leni and her candidates? And 2.) Will it convert itself into the political machinery for Leni and her candidates?
On the first issue, it is clear that Leni is groping in the dark. There is no clear source of funding although supporters are shouting out that they are willing to pitch a penny for her campaign war chest. That sounds plausible but in the absence of a doable system of donation amd collection it may just end up in the hands of scammers and estafadores. Doing this in a national level is such a gargantuan task. It is not clear whether 1Sambayan will do the fundraising for Leni. It seems they themselves are also in the dark.
On the second issue, we might say that Leni is engulfed with pink revolution. But such is too spread and intangible. There is no concrete move to transform the pink revolution in a quantifiable organization. Even 1Sambayan is not clear on whether or not it is a machinery. It seems like its role would just be reduced into “rah rah boys and girls”. It would take a gigantic effort for Leni to form a machinery. Such machinery will definitely not come from 1Sambayan which is morally bleeding from the inside.”
***
Email:bootsfra@yahoo.com