Advertisers
TUNAY na bilog ang mundo, ang dating maglulupa ngayo’y halos hindi maabot dahil sa tinamong yaman at kasikatan. Hindi basta malalapitan at dadaan sa lahat ng uri ng pagrekisa kung nais malapitan. Tunay na iba na ang katayuan sa buhay na kailangan ng ibayong pag-iingat kaya’t ganun kahigpit ang seguridad. Sa pagbabago ng katayuan sa buhay ‘di maiwasan na magbabago ang kilos, kakilala, kaibigan, kasama, panlasa, damit at marami pang iba. Tila hindi kayang bilangin ng isang kwentador ang yaman at kailangan ang abacus ng mabilang ng tama ang yaman. Ang tiyak dito, nasa ibabaw ngayon ng bilog na mundo ang kabuhayan na tinatamasa ng pamilya. Galing sa pawis at dugo ang yaman na dapat na ipagmalaki at nahahanay ang ngalan sa mga mabibigat na atleta ng mundo.
Sa natamong kasikatan sinubukang pumasok sa iba’t – ibang larangan na nagdudulot ng mas marubdob na pagkilala at pagtanggap ni Mang Juan. Ngunit sapat na ang isang kagalingan at ang maghangad pa ng iba dito’y labis at hindi na maganda. Sa pagsabak sa ibang larangan, may hindi kagandahan ang resulta. Subalit hindi ito naging dahilan upang bumaba sa pedestal bagkus pinag-igi ang kagalingan na kahit may edad ng masasabi’y may gilas pa rin na ipinakita.
Hindi bumaba ang pagtingin ni Mang Juan at hinalal bilang lingkod bayan at naging senador ng bansa. Maging ang esposa’y nakasakay sa kasikatan na naging bise-gobernador ng isang lalawigan. Sa pagtakbo ng pagiging lingkod bayan tila tumaas ang adhikain na pagsilbihan si Mang Juan, ngunit tulad ng kasabihan na walang isang tao ang may kaalaman ng lahat sa mundo.
Ngunit bilang senador, sinubok ng pagkakataon ng tumayo sa senado at nagpanukala ng batas hingil sa pagtatayo ng isang opisina ng pamahalaan na titingin sa kagalingan ng mga boksingero. Napalaban ng husto ngunit hindi tumama ang mga suntok sa mga tanong ng nakaharap na kapwa senador. Maganda ang talumpati ngunit, hindi matayuan ang init ng mga katanungan ng senador na tila si Mayweather ang dating na kaliwa’t kanang suntok na hindi napaghandaan at nagbigay bukol sa kakayahan bilang senador. At sa pagpasok ng isa pang round ng panukalang batas, naharap naman ito sa panibagong kalaban, tulad ng una hindi magkanda-ugaga ang mama sa pagdepensa ng panukalang batas. At sa halip ito ang umani ng kaliwa’t kanang buntal at nang humingi ng recess upang masagot ang maraming katanungan. Ano laban ka pa?
Hindi impresibo ang galaw ni Pakman sa senado, nahirapan na ipakita ng kakayahan. Sa halip na magbaba ng glab at sumuko sa politika, heto nagbabalak tumakbo sa mataas na posisyon, bilang pangulo. Sa huling laban kay Ungas, masasabing nais nitong gamitin ang tinatanaw na panalo bilang hagdan sa panguluhan, eh natalo. Tila batid ng sanlumikha ang layong ito, ipinakita na sapat na ang mahabang pamamayagpag. At ‘di doon natapos ang ambisyon, hindi pa man nakauwi sa bansa, nagdeklara ng pagtakbo sa panguluhan, at ang retirement sa boksing.
Sa paghahayag ng nais, kagyat itong napalaban sa grupo ni Totoy Kulambo at Cusi na tuwirang nag-alis dito bilang pangulo ng partido. At sa pagbabalik bansa, tuloy ang laban at naghain ng CoC sa pagkapangulo. Ang kasikatan ang puhunan at ang limpak-limpak na salapi na nakamit sa ibabaw ng ring ang itataya upang pagsilbihan si Mang Juan.
Sa pagtakbo ng araw, at nagkakaroon ng liwanag kung sinu-sino ang mga kalahok na magkatunggali sa arena ng politika. Ngunit hindi nawalan ng loob ang pambansang kamao’t handang makihamok sa gulo sa pagkapangulo na ang tanging puhunan ang pangalan sa larangan ng boksing. At ito ang pinanghahawakan na magsasabi na ibibigay ni Mang Juan ang basbas dito na maglingkod. Ang kaisipang ito’y tila ‘di iba sa mga tatakbo na nagnanais na rin mabigyan ng basbas ni Mang Juan upang makapaglingkod.
Ang iisang kaisipan ang naghahati sa mga manghahalal kung sino ang dapat, at iyon ang mananalo. Ang iisang layon ang nagpapahirap kay Mang Juan na mamili sa mga nagnanais, kung sino ang dapat at ang may kakayahang mamuno ng bansa. Bansa ang pinamumunuan ‘di samahan, asosasyon, opisina o grupo.
Upang mapulsuhan o mabatid kung sino ang napupusuan ni Mang Juan na maglingkod sa kanya bilang pangulo, may mga survey na ginagawa. Sa kasamaang palad, tila hindi nababangit si Pakman sa una , pangalawa o pangatlo sa mga napupusuan na maglilingkod. Ang kasikatan ng pambansang kamao’y tila nasa boxing ring lang at hindi maisalin bilang panghalili kay Totoy Kulambo. May kalayuan ang pwesto nito sa mga survey, subalit batid na walang basehan ang ginawang survey dahil sa kung sino ang nagpagawa, ito ang mangunguna. Walang base kung sino ang una, pangalawa o pangatlo ang tiyak malayo si Pakman sa mga survey na ginawa.
Sa kaganapan sa mga pinasukang larangan, tulad ng basketbol, pag-aartista o pag-awit na hindi naging mapalad ang kinalabasan. Mataas ang tsansang mauulit dahil hindi ramdam ni Mang Juan ang kakayahan o hilaw pa upang maging pangulo ng bansa. Hindi madali ang pagtakbo sa nais na posisyon at muling mag-isip at magpalit ng pagnanais. Bigyan ang sarili ng tamang oras sa paglilingkod bilang pangulo. Ang hindi kaaya-ayang pagganap bilang senador, ang multo na humahabol at nagtutulak kay Mang Juan na magdadalawang isip na ibigay ang pag-oo sa inaasam na posisyon.
Mag-isip sa kinabukasan at ikonsidera na ang magpalit ng isip sa larangang ito’y kagalingan at hindi kahinaan. ‘O mag-isip na bumaba ng weight category sa pagka bise presidente ng tumaas ang tsansang manalo. Mula dito ipakita kay Mang Juan ang kagalingan na hindi lang sa boksing maging sa pagiging lingkod bayan. At kung makita ni Mang Juan ang husay bilang ehekutibo, sa tamang panahon, si Mang Juan ang nagtutulak sa nais na pwesto. Huwag ipilit sa ngayon ang mataas na ambisyon, mahihirapan ka Pakman.
Muli hindi karuwagan ang pag atras sa laban sa halip gawin itong plataporma sa kinabukasan. Ang ipinakitang gilas sa boksing, gawing batayan sa pagpapasya sa larangan ng pulitika. Huwag magpadala sa sulsol ng mga nais makinabang sa pawis at dugo mong ipinundar. Ang katanyagan sa ngayo’y maaaring maging dalawang ulit sa tamang pagpapasya, huwag magmadali sa pagpasok at baka masalabat ng kaliwa’t kanan buntal ng kalaban. Peksman mahihirapan ka Pakman, magpaubaya sa kasalukuyan para sa kinabukasan, ginto man ang layon ngunit hindi napapanahon… at kung hindi ukol hindi bubukol.
Maraming Salamat po!!!