Advertisers

Advertisers

PETTY CRIMES SA SOUTHVILLE-3 SA MUNTI, INAAKSYUNAN NG BARANGAY AT PULISYA

0 257

Advertisers

DAHIL panahon na ng Kapaskuhan at nagpapatuloy pa rin ang pandemya, mistulang mga kabuteng nagsusulputan ang masasamang loob, hindi lamang sa Metro Manila, kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa Metro, talamak ang holdapan, bag slashing sa bus at dyip, pandurukot at iba pang petty crimes sa pagpasok pa lamang ng ‘ber months’.

Alam ng mga masasamang elemento kapag malapit nang mag­bonus at sumuweldo ang mga empleyado.



Walang pinipili ang mga pusakal na kriminal.

Talagang itutuloy nila ang balak kahit pa nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na magbabantay sila sa mga lugar na maraming tao ngayong holiday season.



Kasama sa mga lugar na siksikan ang mga tao ngayong Kapaskuhan ay ang Divisoria, Baclaran, Monumento, at Quiapo.

Namamayagpag ang mga riding­in-tandem criminals na nambibiktima ng mga pasaherong nag-aabang ng dyipni o taxi lalo sa gabi.



Bukod dito, nariyan din ang ibang kawatan na susundan ang naglalakad na babae o target sa kalsada at saka aagawin ang dalang bag.

Hindi na bago sa ating pandinig ang mga ganitong pangyayari na nagaganap kahit hindi ‘ber’ months.

Sa Southville3-NHA naman na sakop ng Brgy. Poblacion sa Muntinlupa City ay nagkalat daw ang mga mandurukot, salisi, akyat-bahay at snatchers.

Aba’y nakakalusot pa rin daw ang mga kawatan kahit may ilang alagad ng batas na umiikot at nagpapatupad ng health protocols sa lugar.

Laging nabibiktima ang mga taong may hawak na cellphone at naglalakad.

Biglang hihintuan at aagawan ng CP.

Maraming residente na raw ng Southville at Victoria ang nadale ng mga petty criminals, partikular diyan sa Biazon Road habang pauwi ng kanilang bahay sa gabi.
Ang nakakatakot, karamihan daw sa mga kawatang ito ay may dalang patalim at baka masaksak pa raw ang mga biktima kapag nanlaban at ayaw ibigay ang cell phone o gadget.

Kung pagbabatayan naman ang mga reklamo ng ilang residente o mga nakikita sa lansangan na hindi na naipaparating sa mga awtoridad at hindi na naitatala sa blotter book sa mga presinto, aba’y talamak daw talaga ang mga petty crimes sa NHA.

Well, sa pagkakaalam ko at ayon na rin sa ilang police at barangay sources, may mga nakalatag nang security measures ang Muntinlupa PNP habang may mga miyembro rin ng barangay police na regular daw na umiikot sa SV3 upang mahadlangan ang posibleng pagtaas ng mga insidente ng nakawan sa erya.

Masaklap isiping saklot na nga ng pandemya ay ginigiyagis pa ng pangamba ang ating mga kababayan dahil sa mga kriminal.

Kaya ngayong holiday season, mahalagang mag-ingat ang lahat.

Isipin kung gaano kahirap kumita ng pera sa panahong ito.

Huwag hayaang mapunta sa mga kawatan o maglahong parang bula ang perang pinaghirapan.

Bukod dito, huwag ding sisihin ang mga pulis at mga taga-barangay kapag hindi nila naaaksyunan kaagad-agad ang mga ganitong petty crimes.

Tandaan na bukod sa pagpapatupad ng health protocols para malabanan ang COVID-19 ay may mga court appearances (online) pa ang maraming pulis bunsod ng mga hawak nilang kaso.

Naku, ang duty nila ay 12 oras at kung minsan ay inaabot pa ng 24 oras.

Sa kasalukuyan, nasa 1:500 din ang police-to-population ratio. Ibig sabihin, 500 Pinoy ang dapat bantayan ng kada isang pulis.

Diyosmeo, kulang na kulang nga ang bilang ng mga pulis natin at kahit may mga taga-barangay at police multipliers ay hindi pa rin sapat ang bilang ng mga ito.

Tsk, tsk, tsk.

Huwag din naman nating i-asa lahat sa gobyerno at pulisya.

Mas mabuting maging vigilant at isagawa ang kaukulang pag-iingat para makaiwas sa mga masasamang elemento.

* * *

PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!