Advertisers
Sasampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang tatlong itinuturing na big time drug suspect na nahuli sa Malapat, Cordon, Isabela noong araw ng Sabado, October 30, 2021.
Kinilala ang mga suspek na sina Jestoni Guttierez, 30-anyos, may asawa, isang truck driver na residente ng Barangay Alibadabad, San Mariano, Isabela; Juanito Aggabao, 33-anyos, may asawa, isang pahinante na residente ng District 3, Cauayan City; at Evelyn Dela Cruz, 47-anyos, may asawa, sack vendor na tubong Santo Niño, Gapan, Nueva Ecija.
Ayon kay PMaj. Fernando Mallillin, ang hepe ng Cordon Police Station, una rito nakipag-ugnayan sa kanila ang Maddela PS dahil nahuli nila ang kasamahan ng tatlong nabanggit na suspek na nagbabagsak ng illegal na droga sa Cordon, Isabela at karatig na bayan.
Aniya, ikinasa ang drug buy bust operation kung saan nakipagtransaksyon ang suspek na nahuli sa Maddela PS sa tatlong suspek at napag-usapang magkikita sa harapan ng isang establishimento sa Cordon na paradahan ng mga trailer truck.
Pagdating sa napag-usapang lugar natunugan ni Guttierrez na ang kanilang katransaksyong kasamahan ay nahuli na ng otoridad kaya’t dumiretso ito at nahabol lamang sa Brgy. Malapat kung saan sila nasakote.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang heat sealed transparent sachet na naglalaman ng shabu na may DBB value na P15,000.
Nang kapkapan ang mga suspek ay nakitaan pa ng karagdagang 4 na sachet ng shabu.
Sa kabuoan nasa 50 grams ang bigat ng narekober na shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P340,000.
Dagdag pa ni PMaj. Mallillin, itinuturo ng dalawang lalaking suspek na pagmamay-ari ng kanilang kasamahang si Dela Cruz ang mga nakumpiskang droga na kanilang isinakay lamang.
Kaugnay dito, inamin naman ito ni Dela Cruz at napag-alamang kabilang ang tatlo sa High Value Target na binabantayan ng PDEA.
Ayon pa kay PMaj. Mallillin, iniimbestigahan na rin kung sangkot ang mga suspek sa isang drug syndicate dahil nanggagaling umano ang kanilang ibinebentang droga sa Manila o Tarlac.