Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Ang mga taong nakikinig ng aking Salita at nagsasagawa ng mga ito ay mga taong matalino’…” (ang Panginoong Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Mateo 7:24, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
MGA NANANAMPALATAYA SA DIYOS KAILANGANG KUMILOS UPANG HAYAGAN NG SALITA NG DIYOS, O DI KAYA AY IPANALANGIN, ANG MGA NAKALUKLOK SA GOBYERNO: Kailangang kumilos ang mga mananampalataya upang mahayagan nila ng Salita ng Diyos, o di kaya ay maipanalangin, ang mga nakaupo sa iba’t ibang mga posisyon sa gobyerno, upang magkaroon ng kaliwanagan mula sa Diyos ang kanilang mga isip at puso, ayon sa mga hosts ng 21 Minutos Mas o Menos sa kanilang episode noong umaga ng Lunes, ika-01 ng Nobyembre, 2021.
Ang 21 Minutos Mas o Menos ay isang radio-online morning show na nag-uumpisa ng ganap na alas 7:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Layunin nitong matalakay ang mga kasalukuyanang pangyayari sa lipunan, sa bayan, at sa pamahalaan, kaugnay ng mga kautusan ng Diyos sa Bibliya.
Isa ang 21 Minutos Mas o Menos sa mga palatuntunang dinadala ng Kadugo Media Network, o kadugo.net, sa higit na isang-daan at animnapung mga bansa sa mundo sa ngayon. Sa talakayan ng nasabing palatuntunan noong umaga ng Lunes, Nobyembre 01, 2021, tinalakay ng mga hosts ng 21 Minutos Mas o Menos ang paksang “Paano ba hahanapin ang mga maka-Diyos sa gobyerno?”, batay sa isang madamdaming awitin na ini-akda at inawit din ni Ginoong Rey Valera.
Sa awit na ito ng singer-composer ng mga sikat na OPM, o original Pilipino music, inulit-ulit ni Rey: “Kung marami sanang maka-Diyos sa gobyerno, at hindi na Diyos ang pera, baka sakali pang may pag-asa”. Ayon sa mga hosts, sa ngayon, dalawang uri na ng tao ang nasa serbisyo ng pamahalaan. Ito ay ang mga tiwali at ang mga matitino.
-ooo-
MGA TIWALING PINUNO, NANUNUNGKULAN DAHIL IBINOTO SILA NG MGA TIWALING BOTANTE: Bagamat marami na ang lantaran sa paggawa ng katiwalian sa gobyerno, hindi din naman nawawala ang mga kawani at opisyales ng gobyerno na nagsusumikap maging matino at may katapatan sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.
Dahil dito, hindi magiging makatuwiran kung hahatulan ang lahat ng mga nasa gobyerno na para bang lahat sila ay nakagawa na ng pagkakamali, dagdag pa ng mga hosts na sina Methodist Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, Atty. Noy Macatangay, Bible scholar Rod Cornejo, at ng inyong lingkod, si Atty. Batas Mauricio,
Ipinahayag ni Atty. Noy Macatangay, ang president at chief executive officer ng Buklod Pamilya Incorporated, isang non-governmental organization na nagsisikap patatagin ang relasyon ng mga mag-asawa upang mapanatili ang pagiging buo ng kanilang mga pamilya, napatunayan niyang kahit na sa mga nasa matataaas na posisyon, marami pa din ang nahimok niyang tumanggap at manampalataya kay Jesus, kasabay ng pagpapahayag ng mga ito ng pangako ng tapat at maka-Diyos na pamumuno.
Kaya lang, dagdag ni Atty. Noy, nakakalungkot na madami-dami din naman ang umiiwas na makilala o ma-i-ugnay man lamang, bilang mga tunay mananampalataya ng Diyos. Sa ganoong mga tugon ng pagtanggi, ipinanukala ni Bible scholar Rod Cornejo na ipanalangin na lamang agad ang mga opisyales o ang mga kawaning ito, at hingin sa Diyos na ang Diyos na ang direktang kumilos.
-ooo-
UPANG MATIYAK KUNG ANO ANG TUNAY NA PAGKATAO NG ISANG PULITIKO, ANG KANIYANG MGA KATULONG ANG DAPAT TANUNGIN: Niliwanag din ni Ginoong Cornejo na, para sa kaniya, mailuluklok lamang ang isang maka-Diyos na pinuno kung siya ay iboboto ng mga maka-Diyos na botante. Sa pananaw naman ni Bishop Rudy Juan, hindi naman mahirap hanapin kung ang isang namumuno ay maka-Diyos o hindi.
Makikita na agad ang pagiging maka-Diyos ng mga pinuno, o ng kahit na sino pang tao, sa kanilang mga pagkilos, pag-uugali, at pananalita, dagdag pa ng obispo ng United Methodist Church, na ngayon ay itinatanghal o kinikilala ng siya ang pinuno ng lahat ng UMC churches sa buong Pilipinas.
Namumuno kasi si Bishop Rudy Juan sa mga UMC Churches sa Visayas at Mindanao, at sa maraming lugar sa Luzon, kasama na ang Regions 1 and 2. Sumang-ayon dito si Pastor Jojo Gonzales, ang long-time leader ng Capitol Christian Leadership (o isang sambahan ng mga Kristiyanong mananampalataya sa buong Pilipinas na ngayon ay naglilingkod na ng higit sa limampung taon).
Sinabi ni Pastor Jojo na kung nais malaman ng mga botante kung maka-Diyos at maka-tao ang isang pinuno o ang isang pulitiko, yung kanilang mga katulong sa bahay, o yung kanilang mga drayber o nasasakupang mga tao ang dapat tanungin dahil ang mga ito ang nakaka-alam ng tunay na pagkilos at ugali ng mga ito.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.