Advertisers
TAHASANG sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes na ang kayamanan ng nakakulong na si Pastor Apollo Quiboloy ay malamang na pag-aari ng nakakulong ding dating presidente na si Rody “Digong” Duterte.
Partikular na binanggit ni Trillanes ang isang private jet at helikopter ni Quiboloy na aniya’y malamang na pag-aari ni Digong dahil mas madalas niyang gamitin ang mga ito, at duda sa financial capacity ng pastor.
Ang statement na ito ni Trillanes ay inayunan ni dating PNP Chief ngayo’y Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre lll.
Si Torre ang umaresto kay Quiboloy, na higit isang buwan nagtago sa kanyang lungga sa Davao City, bago natagpuan ng noo’y CIDG Chief na Torre.
Punto ni Torre, tama si Trillanes sa pagsabing konti lang ang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), na makikita sa mga isinasawa nitong events, at konti lang din ang sumuporta rito nang kanilang arestuhin, kaya imposible na makalikom ito ng mga sasakyang bilyones ang halaga.
Kaya duda rin si Torre, sa kanyang obserbasyon , na pag-aari ni Quiboloy ang naturang mga sasakyang panghimpapawid.
Magugunita na noong maisyuhan ng arrest warrant si Quiboloy sa mga kasong ‘rape’ at ‘human trafficking’, inanunsyo niya ang paghabilin ng kanyang mga ari-arian kay Duterte.
Si Quiboloy ay naging Presidential spiritual adviser noon ni Digong.
Kapwa sila nakakulong ngayon sa mga kasong karumal-dumal, walang piyansa. ‘Di sila nailigtas ng kanilang Diyos.
Karma ang inabot nila.
***
Itinakda na ng International Criminal Court (ICC) ang tatlong hukom na mangunguna sa paglilitis laban kay Digong.
Sila’y sina Judge Joanna Korner ng United Kingdom, Judge Keebong Park ng South Korea at Judge Nicolas Guillou ng France..
Ang pagtalaga sa kanila ay bahagi ng proseso para sa pag-usad ng kasong ‘crime against humanity’ sa trial phase, kungsaan tatalakayin at susuriin ang mga ebidensiya kaugnay ng mga alegasyon na iniuugnay sa kanyang brutal na kampanya laban sa iligal na droga.
Higit isang taon nang nakakulong sa ICC facility sa The Hague, Netherland si Digong. Bumabayad siya ng higit kalahating bilyong piso kada buwan sa kanyang abogado.
Kaya pinagdedebatehan ngayon ng kanyang mga kritiko at DDS kung saan kumukuha ng bilyones si Digong pambayad sa kanyang defense counsel gayung ipinagsisigawan niya noon na siya’y mahirap lamang na pangulo.
Ang ‘hidden wealth’ ng Duterte ay isa sa impeachment articles laban sa anak ni Digong na si Vice President Sara Duterte-Carpio kungsaan nabuking na nagkaroon ito ng bilyones na bank transactions.
Subaybayan!