Advertisers
HINDI mawatas ang pagkakaroon ng magkaibang tindig ang mga sandatahan sa bansa na patuloy na naggigirian, naghabulan at tudlaan sa iba’t ibang pamayanan sa bansa. Batid na maraming grupo ang tumututol sa uri ng pamamalakad sa pamahalaan na umaabot sa pag-aaklas. Sa pag-aaklas, nagkakasakitan ang bawat panig na kapagdaka’y naiiwan na may nakahandusay. Sa mga grupong tumutol sa pamahalaan, may-ilan na nakipag-usap at nakipagkasundo na kahit paano’y nakamit ang kapayapaan sa lugar na ginagalawan. Nariyan ang grupo mula sa kaMindanaoan na nakipag-usap at nakipagkasundo sa usapang pangkapayapaan sa pamahalaan. Subalit, ‘di ganap ang kapayapaan sa banggit na lugar na dahilan upang muling makipag-usap o negosasyon ang pamahalaan sa ibang armadong grupo sa layon na lumawak ang mapayapang pamayanan. At ‘di nagtagal ang pag-uusap at muling nakipagkasundo sa ibang grupo na maki-bahagi sa mapayapang pamayanan na nagbunga sa BARMM. At ito’y patuloy na nakikilahok sa pamamalakad sa banggit na lugar.
Sa ilang lugar sa bansa, nariyan at nagkaroon ng sariling rehiyon ang katutubo sa Hilagang Luzon, ang Cordillera Administrative Region (CAR). Ang banggit na rehiyon na dating magulong pamayanan subalit sa pag-uusap, nakamit ang kapayapaan at patuloy na gumagalaw ayon sa pagkakatatag. Payak ang ibig, ipabatid at balikan ng mga namumuno ang mga dating magulong mga lugar at bigyan daan ang kapayapaan ng maging pambansa at magtuon sa pagpapalakas ng kabuhayan ng bansa. Sa totoo lang, nababakas sa kasalukuyang pamahalaan na ‘di malayo ang pag-uusap ng kapayapaan higit sa pagpasok ng bagong talagang kalihim na si Senen Sarmiento bilang puno ng Office of the Presidential Adviser for Peace and Reconcilliation and Unity.
Sa pagkakabatid, isang ‘di kagandahang ulat hinggil sa usapin ng enkwentro ng mga armadong grupo sa isang lugar sa kaVisayaan. Hindi na ibig pag-usapan ang detalye ng labanan ngunit ang mabatid ang katotohanan sa naganap ang ibig. Walang ibig bigyan ng kamalian ngunit ang mailabas o maipalabas ang katotohanan ang dapat bigyan diin para sa kaluwagan ng loob ng mga kamag-anak ng mga napaslang o biktima. Sa totoo lang at naniniwala na may kumikilos na grupo mula sa pamahalaan maging sa ilang malayang grupo ang bumabatid sa naganap na engkwentro sa lugar ng kaVisayaan. Umaasa na sa susunod na mga araw, lilitaw ang ganap na katotohanan sa likod ng labanan at pananagutin ang may sala, kaliwa man o kanan. At kapagkaraka’y magbibigay daan sa usaping pangkapayapaan.
Muli, umaasa na bago lumabas ang katotohanan sa usaping nasa ibabaw, umaasa na gagalaw ang pamahalaan higit ang OPAPRU na mag-aabot ng kamay para sa pag-uusap sa pamunuan ng mga grupong sangkot sa labanan. Sa pag-uusap, umaasa na walang banggit sa nakaraang kaganapan sa halip, tututok sa pagsisimula sa usapang pangkapayapaan. Walang banggit kung paano, kung ano ang lalamanin ng pag-uusap at iba pa higit sa kasalukuyang panahon na nangingibabaw ang galit na damdamin ng mga sangkot sa labanan kung hindi ang kabukasan na makipag-usap. Sa totoo lang, umaasa sa pamunuan ng pamahalaan higit sa kasundaluhan ng kabukasan sa pakikipag-usap. Hinihikayat ng Batingaw sa magkabilang panig na mag-usap sa halip na magputukan. Hindi na panahon ng pag-aalitan dahil sa naka-ambang hamon ng ibang lahi na nagaganap sa mga karagatan ng bansa na dapat na paghandaan at ‘di ang pagkaka iba sa paniniwala o tindig.
Matagal-tagal na ang tunggalian ng pamahalaan at ng grupong tumututol sa kaayusan ng lipunan higit ang National Democratic Front (NDF). Minsang nag-usap nagkaintindihan ngunit ‘di nagtagal, lumabas ang ‘di pagkakaunawaan at muling naisantabi ang ganda ng mapayapang lipunan. Patuloy na naglayo, muling nagtunggali ‘di lamang sa paniniwala sa mga usapin hanggang sa muling humawak ng sandata at muling nakipagpalitan ng putok sa kasundaluhan ng bansa. Ang masakit, biktima ang mga tao at pamayanan na nasa gitna ng laban. Ang higit na mabigat sa loob, ang mga pamayanan napapagitna sa labanan ng mga sandatahan ang nagdadala na ‘di batid kung saan susulong, kaliwa ba, kanan o diretso. Saan pupunta, sila ang biktima ng kanan at kaliwang nagtutunggali?
Sa totoo lang, sa natatanggap na tulong na ibinibigay ng ilang grupo sa mga bakwit o lumikas na napagitna sa labanan ‘di mula sa pamahalaan ang simula ng pagdududa gayung batid na walang ibang masilungan ang mga maralitang bakwit na ‘di maabot ng serbisyo ng pamahalaan. Walang hiling ang mga tao ‘di lang ang mga bakwit sa pamahalaan, paabutin ang serbisyong dapat sa bawat Pinoy. Hindi bala ang serbisyong ibig at ‘di labanan ng mga sandatahan sa halip serbisyong pangkabuhayan na nagaganap sa mga pamayanan ng mga lunsod higit sa kaMaynilaan. Bakit ‘di makarating ang tamang serbisyo sa mga pamayanan na napapagitna sa labanan maging sa lugar ng mga katutubong napapaalis sa kanilang lugar na sinilangan dahil kuno sa salang kaunlaran? Samantala, ang mga taong marangal kuno kung magnakaw ay kaban kaban.
Sa pagpasok ng kalihim ng Office of the Presidential Adviser for Peace and Reconcilliation and Unity, umaasa na muling mag-aabot ng kamay sa makakaliwang grupo ang pamahalaan at muling mag-usap. Naniniwala na ‘di tungkulin ang pag-uusisa sa naganap sa kaVisayaan ngunit ang muling makipag-usap sa NDF at armadong grupong kinakatawan ang gagawin ng may kabilisan ng muling magkaroon ng kapayapaan sa maraming lugar sa bansa. Batid ang sinseridad ng pamahalaan at nang bagong kalihim sa pakikipag-usap. Umaasa na maisantabi ang mga pansarili o pang-institusyong pakinabang para sa tao’t pamayanang napapagitna sa labanan ng magkatungaling sandatahan.
Hindi magbabangit ng ibang hiling sa mga grupo na nagtutunggali, magbigay puwang sa pag-uusap at kapayapaan. Ang mga pangako’t panata’y ganap na para sa mga tao na karaniwang tumatanggap o napapagitna sa laban ng inyong mga panig. Muli, bigyan puwang ang kapayapaan ng makahinga, makabalik at mamuhay ng mapayapa ang mga kamag-anak ni Mang Juan na tinatamaan ng tudla ng bala na walang mata. Gawin ang mga pangako at panata sa bayan na kayo’y para sa kanila, sa pagkakataong banggit madama ng taong bayan na kayo ay tunay na para sa kanila, at para sa bayan.
Maraming salamat po!!!!