Advertisers
Sinasabi ni dating Representative Mike Defensor na ‘pinupulitika’ daw siya, makaraang salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang nightclub sa Pasig City, kung saan mahigit sa 50 kababaihan ang nakalap sa nasabing club nam ayon sa ulat na tinanggap ng NBI, ay isang pugad ng prostitusyon.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, konektado ang club sa isang hotel at ang mga babaeng ginagamit ng mga kostumer ay binabayaran ng mula P5,000 hanggang P15,000, kapalit ng sexual services.
Binigyang-diin ni Matibag na ang naturang operasyon ay isinagawa ng NBI- Special Task Group kasunod ng mga ulat ng sexual exploitation at illegal recruitment.
Ani Matibag, sa isinagawang pagsasaliksik matapos ang raid ay nakita ng mga tauhan ng NBI ang ilang hinihinalang droga at mga paraphernalia sa paggamit nito. Nakita rin ang ilang business documents kung saan nakita sa corporate filings na nalista ang naturang establisimyento sa ilalim ng pangalan ng asawa at anak ni Defensor.
Sa kabila niyan ay niliwanag naman ni Matibag na ang impormasyong nakalap mula sa mga dokumento “does not, by itself, establish criminal liability for the registered owners.”
Iniimbistigahan pa ito sa ngayon pero agad na umalma ang asawa ni Defensor na naglabas ng pahayag kung saan mariin niyang ikinakaila ang anumang kinalaman sa isyu. Gaya ni Defensor, sinabi ng asawa niya na pulitika daw ito.
Mariing pinabulaanan ni Matibag ang bintang ng ‘pulitika’ at aniya, ‘unfair’ naman ito sa mga tauhan ng NBI na ginagawa lang nang maayos ang kanilang trabaho. Mga professional umano ito at hindi para magpagamit sa pulitika.
Ayon pa kay Matibag, ni di nila alam ang pagkakaugnay ng mga Defensor sa ni-raid na establishment at nadiskubre lang nila ito dahil sa mga papeles na kanilang natagpuan sa lugar.
“Wala pong politika dito, sila po ang sa sarili nila na gumawa ng ganyang bagay at kami po sa NBI, ang mandato po namin ay hulihin at pananagutin sa batas ang mga gumagawa po ng ilegal na bagay po… So, maganda po sagutin at ipaliwanag po sa tamang forum at wag lagi sabihin at ilihis lang na politika ito,” ani Matibag.
Matapang na nanindigan si Matibag sa mga bintang at aniya, patuloy lang na gagawin ng NBI ang trabaho nito kahit sino pa ang masagasaan.
Hindi rin daw sila patitinag sa mga bintang ng ‘pamumulitika’ dahil kapag nga naman nagpa-apekto sila, lahat na lang ng mahuhulihan nila ng kailigalan eh sisigaw ng ‘pamumulitika’ para lang tumigil na ang NBI.
Kung ako naman kay Defensor, patunayan niya sa pamamagitan ng mga solidong ebidensiya na mali ang mga sinasabi ni Matibag. Papeles kasi ang pinanghahawakan ni Matibag at dapat dokumento din ang itapat dito.
Imbes na sa social media, mas maganda din siguro na sa korte niya dalhin ang mga reklamo niya laban sa NBI dahil ‘willing’ naman daw sina Matibag na harapin anuman ang kanyang ihahaing kaso.
Naghain na ang NBI sa Pasig City Prosecutor’s Office ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act. Ipinasara na din ng pamahalaang-lokal ng Pasig ang naturang establishment na ni-raid.
Maliwanag naman ang basehan ng kaso. May impormasyong bentahan ng laman sa nightclub, nag-surveillance ang NBI at nang mapatunayan ito ay nagsagawa ng raid. May mga babaeng natagpuan, may mga droga at may mga papeles, kung saan nakalagay sino ang may-ari.
Samakatwid, hindi ito kathang-isip lang. Ang mga ‘yan ang dapat pasinungalingan ni Defensor.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.