Advertisers

Advertisers

Prangkisa sa riders, hindi sa platforms, iginiit sa Mototaxi Bill

0 6

Advertisers

Nanawagan ang grupo ng motorcycle taxi riders sa Kongreso na agarang ipasa ang matagal nang nakabinbing Motorcycle Taxi Bill, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day, upang kilalanin sila bilang independent transport workers at mabigyan ng karapatan at proteksyon sa kanilang kabuhayan.

Sinabi ni Romeo Maglunsod, chairman ng Motorcycle Taxi Community, na dapat nakabatay sa realidad ng gig economy ang panukalang batas kung saan kikilalanin ang mga rider bilang independent service providers at hindi bilang empleyado ng platform.

Ayon sa kanya, dapat magbigay ng dignidad at kalayaan sa hanapbuhay ng mga rider ang legalisasyon ng motorcycle taxis.

“Ngayong Araw ng Paggawa, saludo kami sa lahat ng manggagawang Pilipino, lalo na sa kapwa namin rider sa motorcycle taxi industry. Bilang freelancers, karapatan namin ang respeto, kalayaan, at proteksyon bilang manggagawa,” ani Maglunsod.

Isang pangunahing panukala ng grupo ay ang pagbibigay ng prangkisa direkta sa mga indibidwal na rider at sa kanilang mga motorsiklo, sa halip na sa mga platform.

Hindi na angkop aniya ang kasalukuyang slot cap system na kontrolado ng mga platform at hindi sumasalamin sa totoong kalagayan ng industriya.

Dagdag ni Maglunsod, tulad ng mga operator ng jeepney at tricycle, nakatali dapat sa mga rider at sa kanilang sasakyan ang karapatang magbigay ng serbisyo sa transportasyon.

Iginiit ng grupo ang kalayaan ng mga rider na pumili kung anong platform ang kanilang gagamitin at kung kailan sila magtatrabaho.

Hinimok din ng Motorcycle Taxi Community ang mga platform na pagbutihin ang kanilang sistema ng suporta, kabilang ang insurance, patas na insentibo, at mas maayos na mekanismo para sa demand upang masigurong tuloy-tuloy ang kita ng mga rider.

“Bawat araw, binabagtas namin ang init, ulan, at trapik para makapagsakay ng pasahero. Sana naman masigurong maayos ang sistema at may proteksyon din kami habang ginagawa namin ang trabaho namin,” lahad ni Maglunsod.

Binigyang-diin ng grupo na nagdudulot ng kawalan ng katiyakan sa libo-libong rider ang patuloy na pagkaantala ng panukalang batas, lalo na sa gitna ng tumataas na gastusin at hirap ng buhay.

Umapela sila sa pamahalaan na unahin ang kapakanan ng mga manggagawa at agad na magpasa ng batas na tunay na magtitiyak ng seguridad at dignidad sa kanilang trabaho.