Advertisers
MARIING nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na hindi na kailangan pang magsagawa ng loyalty check sa mga pulis sa buong bansa.
Ito ay sa kabila ng napaulat na isyu ng umano’y military-backed People Power.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, nananatiling tapat sa saligang batas ang buong organisasyon sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Nananatili rin aniya ang katapatan ng mga miyembro ng pambansang pulisya sa kanilang sinumpaang tungkulin nang pumasok sila bilang mga tagapagpatupad ng batas.
Giit ni Tuaño, hindi makikibahagi sa anumang isyung pulitikal ang pulisya at hindi rin makikialam sa mga usapan o talakayan ng mga sumusuporta sa sinumang pulitiko.
Klinaro naman ng PNP spokesman na walang namomonitor ang pulisya na anumang pagkilos mula sa mga retiradong opisyal ng militar kaugnay nito, at wala rin silang nakikitang banta na kaugnay ng naturang usapin.