Advertisers
NAGBABALA si Presidential Spokesman Harry Roque sa mga Mayor na sumuway sa kautusan ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases(IATF) hinggil sa mandatory use ng face shield.
Ito ay kasunod ng desisyon ng local government units ng Maynila, Davao at Iloilo City na bawiin ang mandatory use ng face shield at gawin na lang itong optional.
Ayon kay Roque, nanatiling epektibo ang polisiya sa mandatory use ng face shield hangga’t hindi ito binabawi ng IATF.
“Ang desisyon po ng IATF, ay desisyon din ng Presidente. So ang desisyon po ngayon ay kailangan ipatupad muna ang mga face shields habang pinag-aaralan po, “Mayors are under the supervision of the President. Let us follow the chain of command,” ani Roque.
Nauna rito, inianunsyo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagkasundo ang mga Metro Mayors na gawing optional na lang ang pagsusuot ng face shield at mandatory na lang sa mga ospital at health facilities.
Umapela naman ang Department of Health (DOH) sa mga LGUs na ipagpaliban muna ang kanilang desisyon habang hindi pa nakakapaglabas ng rekomendasyon ang DOH hinggil sa polisiya ng face shield. (Jonah Mallari)