Advertisers
HINIKAYAT ni Senador Grace Poe ang Commission on Audit (COA) na isapubliko ang 2020 Audit Report ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) upang mabigyan ang mga mambabatas ng malinaw na impormasyon sa estadong pampinansyal ng ahensya habang tinatalakay ang 2022 national budget.
Binigyang-diin ng senadora na ang COA report ay magbibigay ng credible audit sa financial condition ng PhilHealth at malalaman kung epektibong nagagamit ang pondo para sa pangangailangan ng publiko sa kalusugan.
Batay sa 2019 Annual Audit Report ng COA sa PhilHealth, umabot sa P75.57 bilyon ang mga benefit claim na halos doble ng P39.79 bilyon na naiulat sa pagtatapos ng 2018.
Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi), hinihintay pa rin nila ang aksyon ng PhilHealth sa mga COVID-19 claim mula 2020 sa gitna ng plano ng ilang pagamutan na hindi na ire-renew ang kanilang akreditasyon.
“Lalong mahihirapan ang mga miyembro ng PhilHealth na makuha ng buo ang kanilang benepisyo dahil kinakailangan na nilang bayaran mula sa sariling bulsa ang gastusin sa kanilang pagpapagamot at umasang mare-reimburse sila,” paliwanag ni Poe.
“Hindi maaaring gumamit ang PhilHealth ng delaying at scare tactics para panghinaan ng loob ang mga ospital na singilin ang utang sa kanila,” diin ni Poe matapos ihayag ng PHAPi na ilang pagamutan ang pinadalhan pa ng summons ng National Bureau of Investigation.
Nakatanggap ang PhilHealth ng 35,147 COVID-19 claims sa mga ospital noong 2020 ngunit 10,265 lamang ang nabayaran na nagkakahalaga ng P2.5 bilyon.
Sa 2,859 claims para sa mga critical na COVID-19 cases, 642 lamang ang nabayaran ng PhilHealth o P505.6 milyon. Tumanggi itong bayaran ang 309 cases na umaabot sa P243 milyon. Ibinalik naman ng PhilHealth ang 1,179 claims para sa critical cases sa mga pagamutan na umaabot sa P927.15 milyon at ang 729 claims naman ay pinoproseso pa hanggang noong July 31, 2021.
Para sa critical COVID-19 cases, dapat P786,384 ng hospitalization ng miyembro ang binayaran ng PhilHealth.
Sa 2019 COA report, pinuna ang mga actuarial estimate at assumption ng PhilHealth at kanilang inirekomenda ang pagpapatibay sa actuarial valuation process. (Mylene Alfonso)