Advertisers
GUILTY ang hatol ng Sandiganbayan sa kasong graft ng dating Iloilo congresswoman at dalawang iba pa hinggil sa paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ito ay para pondohan ang vocational education program na pinamumunuan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa inilabas na 33-pahinang desisyon ni Associate Justice Oscar Herrera Jr., anim hanggang 8-taong pagkabilanggo ang ipinataw ng Special Second Division ng anti-graft court laban kay dating Iloilo 2nd District Representative Judy Syjuco.
Pareho rin ang hatol kina dating TESDA deputy director general for field operations Santiago Yabut Jr., at Tagipusuon Cooperative President Maria Nela Yniesta.
Pinagbabayad din ang tatlo ng P6.9 milyon para sa civil liabilities.
Ang kaso naman laban sa mister ni Syjuco na si dating TESDA Director General Augusto Syjuco Jr., ay binasura matapos ang kanyang pagpanaw noong Enero 2020.
Matatandaan na noong Hulyo 23, 2012 nang inakusahan ang mga ito sa pagpasok ng transaksyon sa kooperatiba na itinayo ng mag-asawang Syjuco noong 1998 para ipatupad ang “Education for All” program gamit ang P20 million na PDAF ni Rep. Syjuco. (Josephine Patricio)