Advertisers
PUNTIRYA ng pamahalaan na mabakunahan na rin laban sa COVID-19 ang nasa 13.5 milyong Pinoy na pasok sa 5-11 age group.
Sa isang online media briefing nitong Huwebes, tiniyak naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mayroong sapat na suplay na bakuna ang bansa para sa kanila.
Sinabi ni Vergeire na inaasahan nilang makakatanggap pa ng may 40 milyong COVID-19 vaccine doses bago matapos ang taon.
“Lahat ng ating priority groups, the rest of the population, are already included in our estimates for the committed doses for 2021 sa ating bansa. We have enough supplies,” paniniguro pa niya.
Sa kabila naman nito, nilinaw ni Vergeire na wala pang katiyakan kung kailan ang rollout date ng COVID-19 shots para sa mga batang 5 – 11 taong gulang dahil wala pa aniyang emergency use authorization (EUA) para maiturok na rin ang bakuna sa naturang age group.
Matatandaang noong Oktubre 15 ay sinimulan na ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga batang nagkakaedad ng 12 hanggang 17-taong gulang at nagpapatuloy pa ito hanggang sa kasalukuyan.
Una na rin namang sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director-General Eric Domingo na bago matapos ang taong ito ay mababakunahan na rin laban sa COVID-19 ang mga menor na 11-taong gulang pababa. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)