Advertisers
INAKUSAHAN ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang China na trespassing at naninindigan na sakop ng ating bansa at mayroong “sovereign right” sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ito ang tugon ni Lorenzana sa panawagan ng China na alisin o tanggalin ang Barkong Siera Madre na nagsisilbing outpost ng mga sundalo na isinadsad ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Ang BRP Sierra Madre na lumang barko ng Philippine Navy na isinadsad sa Ayungin Shoal ay nagsisilbing outpost ng mga sundalo noong 1999.
Ayon kay Lorenzana, ang Ayungin Shoal na may layong 174 nautical miles mula sa Puerto Princesa City, Palawan ay nakapaloob sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
“Our EEZ was awarded to us by the 1982 UNCLOS which China ratified. China should abide by its international obligations that it is part of,” ani Lorenzana.
Binigyaan din ni Lorenzana na wala umano siyang alam na mayroon pangako o kasunduan na tatanggalin o aalisin ang nasabing barko.
“As far as I know there is no such commitment. That ship has been there since 1999. If there was commitment it would have been removed long time ago,” saad ni Lorenzana.
Sinabi ni Lorenzana na batay sa ipinalabas na desisyon ng UNCLOS wala umanong legal na basehan ang China upang angkinin ang nasabing lugar.
Iginiit din ng kalihim na mayroong mga dokumento na nagpapatunay na mayroon tayong sovereign rights sa ating EEZ habang sila ay wala at ang kanilang claim ay walang basehan.
Nauna rito, sinabi ni Chinese foreign ministry spokesman Zhao Lijian na tuparin ng Pilipinas ang pangakong tatanggalin o aalisin ang sumadsad na Barko Sierra Madre sa Re,ai Jiao at hindi magbabago ang posisyon ng China.
Samantala sinabi ni Lorenzana na naging matagumpay ang paghahatid ng supply ng pagkain at mga kagamitan sa sundalo sa BPR Sierra Madre at kasalukuyang normal na ang sitwasyon sa nasabing lugar. (Mark Obleada)