Advertisers
APAT na “bugaw” ang naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI). Sa 10 babae na ibubugaw sana ang nasagip at walo ang menor de edad sa Calamba, Laguna.
Kinilala ang mga naaresto na sina Eman Delgado, Michelle Saturno, Angela Degala, at Clarence Mane.
Sa ulat, kabilang sa mga naaresto ang tumanggap ng P10,000 mula sa undercover agent ng NBI-Laguna.
Ayon sa NBI, nagre-recruit ng mga batang babae ang mga suspek sa Cabuyao at Calamba, na iaalok sa mga lokal at dayuhang kostumer ng mga resort sa Barangay Pansol sa Calamba.
“Ito kasi ‘yung pinaka-primary na bugaw, mayroon din itong contact na mga bugaw din…downline. Yung mga bugaw na ‘to, siya naman ang kokontak sa mga victim,” ayon kay Atty. Renato Marco, executive officer, NBI-Laguna District Office.
“Sa set-up nila ini-expect nila na mayroon sexual service na gagawin. Ang alam nila ay babayaran sila ng P5,000 pero ang bugaw ang offer nito [sa kostumer] bawat babae P10,000,” dagdag pa ng opisyal.
Walo sa 10 nasagip na babae ay mga menor de edad, nasa 15 hanggang 17 anyos.
Ayon kay Delgado, nagawa niya ang magbugaw dahil sa pangangailangan.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang mga naaresto, habang ipagkakatiwala sa social welfare department ang mga nasagip na menor de edad.