Isko, una ang pagtulong sa kapwa bago pulitika
Advertisers
PARA kay Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno, isinasantabi muna niya ang pulitika pagdating sa pagtulong sa mga kapwa niya taga-Maynila.
Ito ang ipinahayag Moreno kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna at Congressman Yul Servo, social welfare department chief Re Fugoso at mga fifth district Councilors na sina Irwin Tieng, Nikko Atienza, Mon Yupangco at Charry Ortega nang sila ay mamahagi ng tulong sa mga residente ng Sagrada Familia sa San Andres, Manila kung saan ang mga kabahayan ay tinupok ng apoy kamakailan.
Sinabi ng alkalde sa mga biktima ng sunog, base sa kanyang impormasyon ay nakatakdang silang tulungan din ni Senator Bong Go at siya (Moreno) ay labis na nagpapasalamat. Sinabi ng alkalde na hindi na mahalaga kung kaninong kampo magmumula ang tulong, ang mahalaga ay makatulong ito.
“Sa mga pagkakataong kagaya nito, hindi kailangang mangibabaw ang pulitika. Hindi lang welcome ang lahat, thank you very much kung tutulungan nila mga kababayan ko sa Maynila kasi kailangang-kailangan ng tulong ng mga nasunugan,” sabi ni Moreno.
Ayon kay Fugoso, ang city government ay nagbigay na ng food boxes at cash assistance sa may 197 pamilyang nawalan ng tirahan upang sila ay makapagsimula na bumuong muli ng kanilang tahanan.
Samantala, inanunsyo ni Moreno na patuloy na nagiging matagumpay ang laban ng Maynila kontra COVID-19 dahil patuloy na bumababa ang naitatalang bilang ng active cases sa loob ng mga nakaraang araw.
Muli ay pinaalalahan ng alkalde ang mga residente ng lungsod na huwag maging kampante at palagiang sumunod sa ipinatutupad na health protocols tulad ng palagiang pagsusuot ng face masks dahil na rin sa banta ng Omicron variant.
Sinabi ni Moreno na sa ikaanim na sunod na araw nitong Biyernes, ang bilang ng COVID cases sa Maynila ay mababa pa sa 100. Nitong December 9, ang kabuuang kaso ay 91 at isa ang namatay.
Samantala, ayon naman kay Lacuna, ang mga quarantine facilities ay nanatiling bakante sa loob ng mahigit isang buwan, patunay na ang agresibong mass vaccination program ng lungsod ay epektibo at umaani na ng benepisyo. (ANDI GARCIA)