Advertisers

Advertisers

NCR ‘moderate risk’ na sa COVID-19

0 212

Advertisers

SINABI ng independiyenteng OCTA Research Group na ang National Capital Region (NCR) ay nasa ‘moderate risk classification’ na ngayon sa COVID-19 kasunod na rin nang patuloy na pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit sa rehiyon.

Batay sa pinakahuling ulat ng OCTA Research Group, mula sa ‘very low risk classification’ noong Disyembre 16-22 ay naging ‘moderate risk’ na ito mula Disyembre 23-29.

Ayon sa OCTA, nakapagtala ang NCR ng average na 215 bagong kaso mula Disyembre 23-29 kumpara sa 79 lamang noong nakalipas na linggo.



Ang reproduction number naman sa rehiyon, o yaong bilang ng mga indibidwal na naihahawa ng sakit ng isang pasyente ay tumalon na rin sa 1.47 mula sa dating 0.51 lamang.

Ayon sa OCTA, ito ay ikinukonsidera nang kritikal.

Nabatid na ang reproduction number na mas mataas sa 1 ay nagpapakita nang bumibilis na hawahan ng virus.

Samantala, tumaas din naman ang positivity rate, o ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa virus mula sa bilang ng mga indibidwal na sinuri, na mula sa 0.69% ay naging 3.86% na.

Ang average number naman ng mga RT-PCR tests na isinagawa ay mas bumaba sa 14,119, mula sa dating 17,595 tests noong nakaraang linggo, base sa datos ng Department of Health (DOH).



Tumaas din naman ang average daily attack rate (ADAR) per 100,000 individuals, na mula sa 0.56 per day ay naging 1.52 na kada araw.

Hindi naman na ito ikinabigla ng OCTA dahil na rin sa mas maraming pagtitipon ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Sinabi pa ng grupo na sa ngayon ay wala pang katiyakan kung magpapatuloy ang pagdami ng mga bagong COVID-19 cases, o kung muling bababa ang mga kaso ng sakit sa sandaling matapos na ang holiday. (Andi Garcia)