Advertisers

Advertisers

COVID-19 cases sa Pinas pataas parin – Sec. Duque

0 216

Advertisers

NAGPAALALA si Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na pataas pa rin ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa kaya’t dapat pa ring patuloy na mag-ingat ang mga ito.

Sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, nilinaw ni Duque na bagama’t nakapagtala ng bahagyang pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH) nitong Martes, ay hindi ito nangangahulugan na nalampasan na ng Pilipinas ang peak ng mga kaso.

Ayon sa kalihim, wala pa siyang nakikitang downward trend o pagbaba ng mga kaso ngayon sa Pilipinas.



Paliwanag pa niya ang mas mababang kasong naitala nitong Martes ay dulot lamang ng kakaunting testing output noong Linggo.

Sa kabila naman nito, sinabi ng kalihim na naoobserbahan nila ang unti-unting paghusay ng mga numero ng mga namamatay sa sakit, kumpara noong panahon ng Delta variant surge noong nakaraang taon.

Kinumpirma rin ni Duque na nagkakaroon na rin ng pagtaas ng mga COVID-19 infections sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila.

Ilan aniya sa mga rehiyon na may spike ng COVID-19 cases ay ang Regions 1, 2, 3 at 4A.

Hinikayat din niya ang mga lokal na opisyal na paigtingin pa ang pagbabakuna sa kani-kanilang lugar at tiyaking istriktong naipatutupad ang mga health at safety protocols.



Inihayag pa ni Duque na posibleng ang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit sa iba pang rehiyon ay dulot na rin ng mas nakahahawang Omicron variant ng COVID-19, ngunit maaari rin namang dahil aniya ito sa katatapos na holiday season.

Matatandaang nitong Martes, nakapagtala lamang ang DOH ng 28,007 bagong COVID-19 cases, na mas mababa kumpara sa naitalang 33,169 noong Lunes. (Andi Garcia)