Advertisers
HINDI maitatanggi na ang Land Transportation Office (LTO) ay isa sa mga tanggapang batbat ng katiwalian.
Kilala ang tanggapang ito sa pagkakaroon daw maraming fixers na labas-masok at namemera kasabwat ang mga limatik na LTO officials.
Parang buwitreng nakaabang ang mga fixers.
Kumikita sila sa pagkuha ng lisensiya, pagpaparehistro ng sasakyan, drug testing, Early Warning Device (EWD), at iba pa.
Malaon nang inirereklamo ang katiwalian sa LTO pero tila hindi ganoon ka-epektibo ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para madurog ang mga tiwali.
Ang problema, kahit may mga binabalasang sangay at may mga nasampolan ay hindi pa raw nawawala ang maruming sistema.
Aba’y marami nang namuno sa LTO at nakapagtatakang malala pa rin daw ang problema.
Sa mismong bakuran pa raw nila nagaganap ang transaksiyon.
Kabilang sa mga inirereklamo ng mga motorista ay ang mga fixers, employees, at officials daw diyan sa branch ng LTO sa Areza Town Center, Brgy. Canlalay, Biñan, Laguna.
Nariyan din daw ang palakasan system at singit-singit sa pila ng mga kumukuha ng lisensya at nagpapa-inspeksiyon.
Magkakatabi pala ang emission testing centers at motor vehicle inspection system or MVIS area sa Biñan LTO.
Diyan daw sa mga erya na iyan nagaganap ang mga milagro.
Isang motorista ang nagreklamo dahil inabot daw siya ng cut-off ng pasado ala-1:00 pa lang ng hapon.
Huh?
Ang masaklap, may sumisingit na mga motorista na malamang daw ay nagbigay ng padulas.
Naku, tila mahirap na talagang alisin ang sistemang ito sa LTO.
Nang magsalita raw siya dahil may mga sumisingit at nagreklamo sa MVIS office, ininspeksiyon daw ang kanyang motor.
Ngunit sinasabing hindi pasado sa inspeksiyon dahil kahit kaliit-liitang detalye ng kanyang sasakyan ay sinita.
Ultimo raw ang nawalang spring na bahagi ng motor ay sinilip para lang makaganti sa nagreklamong kustomer?
Nilait pa raw ang kanyang motor dahil sinulat-sulatan ang kanyang rehistro at kopya ng insurance bunsod daw ng problema nito sa appearance at iba pa.
Sabi tuloy ng isang motorista, “hindi makatao ang ginagawa ng mga taga-MVIS office.”
Sana naman pinagbigyan n’yo na lang, mga sir, ‘for humanitarian reason’ dahil krisis ngayon at kawawa naman ‘yung tao na babalik pa dahil ayaw niyang i-aprub sa inspeksiyon bunsod ng luma niyang sasakyan.
Ganyan daw ang sistema sa LTO-Biñan District Office.
Kaya sa palagay ko, dapat sibakin ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang buong sangay ng Biñan-LTO diyan sa Brgy. Canlalay.
Sa ngalan ng pamamahayag, bukas naman ang pitak na ito para sa panig ng mga taga-LTO Biñan.
Abangan!