Advertisers
NANGAKO si Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno nitong Linggo na hahabuliin niya ang lahat ng peddlers ng fake news o misinformation at disinformation sa social media.
Sinabi pa ni Moreno na papanagutin niya hindi lamang ang mga account holders kundi maging ang mga malalaking kumpanya sa likod ng nasabing operasyon.
“‘Yang mga me ari ng social media company na ‘yan, papanagutin ko ‘yan. Kasi walang sumusubok sa kanilang habulin sila ng bansa eh,” sabi nito.
Idinagdag din ng alkalde na ang mga nasa likod ng paggamit ng trolls para magpakalat ng misinformation at disinformation at maging ang mga trolls mismo ay papanagutin sa kanilang mga ginagawa.
Binigyang diin ni Moreno na ang social media companies ay may responsibilidad na huwag hayaaang gamitin ang kanilang sistema sa pagpapakalat ng maling impormasyon upang lituhin ang publiko.
“Beware. Lahat ng magiging bahagi ng fake news. Whether their system or the person who did it did it under our law which is already existing, pati may ari ng malalaking kumpanya na ‘yan, dapat panagutin ng tao, ng bansa , ng estado,” sabi ni Moreno .
Sa isang pag-aaral ay lumilitaw na ang social media ang siyang top source ng information at news sa bansa. , maging ang Pilipinas ay isa rin sa may pinakamaraming social media users sa mundo.
Samantala ay nangako naman si Moreno na dadamihan niya ang presensya ng Armed Forces sa West Philippine Sea sakaling siya ang mahalal na pangulo ng bansa.
“In a civilized world, and in a civilized time, we are guided by law and order. Pabor sa atin ‘yong Hague (arbitral ruling) kaya dapat kilalanin nila ‘yon. Hindi man nila kikilalanin, sisiguraduhin ko muna, first things first, food security,” sabi ni Moreno.
Tiniyak ni Moreno na sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay makapangingisda ang lahat ng Pilipino mangingisda nang malaya sa pinag-aagawang bahagi ng katubigan sa bansa.
Sinabi pa ng alkalde na kung anumang bahagi ng katubigan ang kinuha ng dayuhang bansa sa pinag-aagawang bahagi, ito ay hindi na madaragdagan pa.
“Hindi na lalawak pa kung anuman ‘yung mga nakuha nila, habang binabawi natin ‘yong mga maaring mabawi,” sabi pa nito. (ANDI GARCIA)