KASONG MONOPOLYO ISINAMPA VS MORE POWER
Di makatarungang anti-market practices pipilay sa pag-asenso ng Iloilo
Advertisers
NAHAHARAP ngayon sa kasong paglabag sa batas kontra monopolyo ang More Electric and Power Corporation (MORE Power) na isinampa laban dito sa Philippine Competition Commission (PCC).
Ang PCC ay isang independent quasi-judicial body na nilikha upang isulong at itaguyod ang maayos na kumpetisyon sa merkado sa pamamagitan ng paglalagay ng mga angkop na regulasyon laban sa anti-competitive practices. Ito ay naglalayong matiyak ang patas na kumpetisyon sa merkado para sa kapakanan ng mga consumer at ng mga negosyo.
Ang reklamo kontra MORE Power ay isinampa ng Panay Electric Company (PECO) kungsaan inakusahan nito na ang MORE Power ay lumabag sa prohibisyon ng monopolyo na itinatakda ng 1987 Constitution, gayundin sa Republic Acts 9136 (higit na kilala bilang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o ang EPIRA Law) at Republic Act 10667 o ang Philippine Competition Act.
Sa kawalan ng legal at patas na kumpetisyon, ang serbisyo ng MORE Power ay inaasahang lalo pang lalala. At dahil dito ang inaasahang pag-asenso ng Iloilo ay malamang na maudlot. Nitong mga nakalipas na taon, ang Iloilo City ay binansagang “rising star” sa larangan ng kalakalan sa bansa.
Sa nasabi paring reklamo, lumilitaw na nilabag ng MORE Power ang mga nabanggit na batas sa ginawa nilang pwersahang exproproation ng assets ng PECO.
Bagamat binigyan ng Republic Act 11212 ang MORE Power upang mag-operate ng electrical services sa Iloilo City sa bisa ng prangkisang ipinagkaloob ng Kongreso, walang binili na anumang ari-arian ang MORE Power o anumang pasilidad o kasangkapan na kinakailangan para sa kanilang operasyon. Sa halip, kinamkam nila ang mga pag-aari ng PECO.
Ang PECO ang nag-iisang competitor ng MORE Power sa industry at sa rehiyon na lalong nagpapatingkad sa intensiyon ng MORE na magtayo ng monopolyo sa power industry sa rehiyon, taliwas sa itinatakda ng anti-trust laws ng Saligang Batas.
Malinaw na nakasaad sa Section 19, Article XII ng Konstitusyon na may kapangyarihan ang Estado na i-regulate o pagbawalan ang anumang monopolyo alang-alang sa kapakanan ng publiko. Hindi rin pahihintulutan ang anumang uri ng unfair trade competition, ayon pa sa Konstitusyon.
Binigyang-diin pa sa isinampang reklamo kontra MORE Power ang mga umano’y malinaw na mga anti-competition na mga taktikang ginagawa ng nasabing kumpanya, kabilang na ang hindi pagbili ng anumang ari-arian na kailangan para sa maayos na pagpapatakbo ng kanilang operasyon at pagkamkam sa pag-aari ng PECO, na pipigil sa PECO upang magpatakbo pa ng katulad na negosyo sa lungsod.
”Ang pag-eliminate sa kumpetisyon upang matiyak na sila lamang ang matitirang makapagpapatakbo ng ganitong uri ng negosyo ay malinaw na pagpapakita ng anti-competitive conduct. Sa halip na magtayo ang MORE ng sarili nilang distribution system, ang ginawa ng MORE ay kinamkam ang mga pasilidad ng PECO, sa bisa ng isang kuwestiyunableng expropriation, upang mawalan sila ng kumpetisyon,” ani Atty. Star Elamparo, lead counsel ng PECO.
Ang monopolyo ng MORE Power sa power sector ng Iloilo City ay pipigil din umano sa pagpasok ng iba pang competitor sa nasabing industriya at nabanggit na merkado. Dahil dito, ang patuloy na magdurusa ay ang Iloilo consumers na ngayon pa lamang ay naghihirap na dahil sa walang patid na brownouts at mataas na singil sa kuryente.
“Tigilan na ng MORE Power ang pagbibigay ng mga palusot kung bakit palpak ang kanilang ibinibigay na serbisyo. Sa halip, gawin nila ng maayos ang kanilang trabaho. Hirap na hirap na ang mga mamamayan ng Iloilo dahil sa kanilang hindi maayos na serbisyo na nagpapakita ng kanilang kawalang-kakayahan. Kapag nagpatuloy pa ang monopolyo ng MORE Power, hindi malayong sumadsad ang ekonomiya ng lungsod,” dagdag pa ni Elamparo.
Nauna rito, nagsampa rin ng reklamo ang consumer advocacy group na Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) sa Energy Regulatory Commission laban sa MORE Power dahil sa natuklasan nilang sobra-sobrang singil sa kuryente sa pamamagitan ng systems loss na tinayang umaabot sa P20-milyon. Ipinarating ng KBK sa kanilang reklamo na isinampa sa ERC na imbestigahan ang kanilang alegasyon at mga katibayang isinumite at kapag napatunayang totoo ay atasan ang MORE Power na i-refund ang sobrang siningil sa mga consumer.
“Ang pinakamabigat dito ay ang katotohanang ang mga mamamayan ng Iloilo ang nagdurusa. Lahat ay ginawa ng MORE Power upang makontrol ang distribution facilities at ipinagmamalaking kaya nilang higitan ang serbisyong ipinagkaloob ng PECO sa 97 taon subalit lumilitaw na pawang cover-up at pagsisinungaling ang kanilang ginagawa upang pagtakpan ang kanilang pagkabigong makapagbigay ng maayos na serbisyo gaya ng kanilang ipinagyayabang,” ani Marcelo Cacho, Head of Public Engagement and Government Affairs ng PECO.