COVID-19 infections sa Maynila, nasa downtrend level na – Isko/Honey
Advertisers
“THE city of Manila continues to be on a downtrend level in terms of the number of COVID-19 infections.”
Ito ang parehong pahayag nina Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno at Asenso Manileno mayoral candidate, Vice Mayor Honey Lacuna na kapwa umaapela sa mga Manileño na may anak na edad lima hanggang 11 na ipre-register na para sa vaccination na magsisimula sa February 4.
Sa kasalukuyan ay may total na 12,071 na mga minors ang na pre-registered na habang ang nasa edad 12 hanggang 17 na pre-registered ay nasa 186,540.
Sinabi din ni Moreno na patuloy na bumababa ang kaso ng COVID sa lungsod at mabilis din siyang nagpaalala na huwag magpabaya ang mga residente at ipagpatuloy ang pagsunod sa health protocols.
“Let us please continue observing the basic health protocols at magkaroon po tayo ng kusang disiplina,” sabi ng alkalde.
Hanggang January 28, may 184 na bagong confirmed active cases na naitala habang may 201 recoveries at walang naitalang namatay.
Ito ayon sa alkalde ay malaking pagbabago kumpara sa bilang matapos ang holidays kung saan ang infections ay umabot sa four-digit figures.
Maging sa Manila COVID-19 Field Hospital, sinabi ni Moreno na iniulat sa kanya ni Director Dr. Arlene Dominguez na ang occupancy rate dito ay bumaba sa 21 percent o 73 mula sa 344 beds na lamang ang nauukopa.
Binigyang diin ni Moreno na ang vaccination ang nananatiling susi sa pagkontrol ng pagkalat at pag-iwas na ang isang nahawahan ay mauwi sa critical o severe o maging kamatayan.
Ito rin ang dahil kung bakit silang dalawa ni Lacuna ay nangungulit sa kanilang panawagan na magpabakuha ang lahat ng mamamayan sa Maynila bilang proteksyon sa kanilang sarili, sa kanilang mahal sa buhay at sa kanilang pamayanan.
Katunayan ay sinusuyod nila ni Lacuna ang kasuluksulukan ng lungsod upang maghanap ng hindi pa nababakunahan upang maturukan ng bakuna at ito ay sa tulong ng Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan at Congressman Yul Servo, gayundin ng mga coordinating barangay authorities.
Sinabi din ng alkalde na ang mga hindi makakapunta sa mga vaccination sites dahil sila ay bedridden, wheelchair-bound o physically-challenged, ay patuloy na pinagkakalooban ni Lacuna ng personal na ‘home service vaccination’ at walang pakialam ang bise alkalde kahit ma-expose pa siya sa virus. (ANDI GARCIA)