Advertisers
Isang lalaking pinaghahanap ng batas para sa kasong homicide at Top 7 Most Wanted Person sa distrito ng Southern Police District (SPD) ang inaresto ng mga pulis sa isang warrant operation sa Las Piñas City noong Setyembre 5, 2026.
Ang naaresto ay si alyas “Loloy,” 45, na nahuli bandang 9:30 AM sa Barangay Manuyo 2, Las Piñas City.
Si Loloy ay inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at Special Intelligence Section (SIS) ng Las Piñas City Police Station, sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni PCOL Fermin D Armendarez III, Chief of Police.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Homicide sa ilalim ng Criminal Case No. 26-0854, na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 199, Las Piñas City, na may petsang Hulyo 31, 2026, na may inirekomendang piyansa na PHP 120,000.00.
Ang naaresto ay kasalukuyang nakakulong sa Station Custodial Facility ng Las Piñas City Police Station sa Barangay Pamplona 3, habang hinihintay ang paglalabas ng Commitment Order ng issuing court. (JOJO SADIWA)