Advertisers
Naniniwala si Manila Mayoralty candidate Atty. Alex Lopez na dapat na dagdagan ang mga barangay health centers at health workers upang mas maging mabilis ang pagbabakuna laban sa Covid-19 virus.
Ayon kay Lopez, dapat nasa barangay na ang mga bakuna at hindi na kailangan pang magbiyahe at pumila ng mga Manilenyo upang magtungo sa mga vaccination sites.
Pahayag pa ni Lopez na ilang oras din ang igugugol sa biyahe at paghihintay ng mga nais na magpabakuna sa mga itinalagang vaccination sites.
“Kung nasa barangay na nila, malapit, madaling puntahan at accessible”, wika ni Lopez.
Sinabi ni Lopez, na dapat na magkaroon ng information dissemination sa mga barangay upang maging tagumpay ang bakunahan.
Dagdag pa ni Lopez na kung marami ang health workers sa barangay, madali at marami ang mabibigyan ng proteksiyon laban sa virus.
Nakakalungkot lamang na may mga barangay health centers ang giniba sa halip na palakasin ito sa pamamagitan ang medical check ups at pamimigay ng vitamins.
Ang Covid-19 pandemic ang malaking hamon sa mga Manilenyo at sa buong bansa, kaya isinusulong ni Lopez na mas dapat priyoridad ang pagtugon dito at hindi ang rehabilitasyon o ang pagtatayo ng mga infrastraktura sa lungsod.
“The city government should conduct Covid-19 vaccination in nearby hospitals and barangay facilities near the zoo if they wanted to attract visitors following their inoculation,” pagwawakas ng tumatakbong alkalde ng Maynila Atty. Lopez.