Advertisers

Advertisers

MAYOR ISKO, NAGPASOK NG BAGONG MEDICAL EQUIPMENT SA BASECO HOSPITAL

0 3

Advertisers

Personal na sinuri ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Linggo ang mga bagong kagamitang medikal na dumating sa Pres. Corazon Aquino General Hospital o Baseco Hospital.

Isinagawa ang inspeksyon kasabay ng unang anibersaryo ng ospital. Kabilang sa mga bagong kagamitan ang isang X-ray machine, dalawang laboratory refrigerator at dalawang anesthesia machine.

“Masaya po akong ibalita sa mga taga-Baseco na dumating na ang mga bagong kagamitang inilaan natin para sa Baseco Hospital,” ani Domagoso.



Ang Baseco ang tanging barangay sa Maynila na may sariling ospital, kaya mas napapalapit sa mga residente ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan.

Ayon kay Domagoso, patuloy na namumuhunan ang pamahalaang lungsod sa mga pasilidad at kagamitang medikal upang mapahusay ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Manileño.



“Hindi lang pagtatayo ng pasilidad. Kailangan may sapat na kagamitan para maayos nating maibigay ang serbisyong pangkalusugan sa mga Manileño,” pahayag niya.

Sinabi naman ni Baseco Hospital Director Dr. Naomi Lachica Licuanan na makatutulong ang mga bagong kagamitan sa pagpapalawak ng serbisyong medikal ng ospital.



Ang X-ray machine ay ikakabit matapos makumpleto ang kinakailangang feeder line at electrical upgrade. Isasailalim din ito sa calibration at kailangang makakuha ng Certificate of Calibration bago ang aplikasyon para sa FDA accreditation.

Nagpasalamat din si Domagoso kay DivinaLaw Founder Atty. Nilo Divina sa donasyon nitong mga mesa at upuan para sa ospital.

“Saktong-sakto ang dating ng mga bagong kagamitan,” ani Domagoso, kasabay ng unang anibersaryo ng Baseco Hospital.(BP)