Advertisers
Patay ang isang pulis nang manlaban ang isang suspek sa anti-illegal gambling operation sa bayan ng Pangil, Laguna nitong Linggo.
Kinilala ang napaslang na pulis na si Chief Master Sergeant Gilbert Briz, 42, nakatalaga sa Pangil Police Station. Hindi na siya umabot pang buhay sa General Cailes Memorial District Hospital sa Pakil, Laguna.
Ayon sa Pangil Municipal Police Station, nagsagawa ng operation ang mga kapulisan laban sa isang ilegal na tupada sa Barangay Sulib kung saan inaresto ang tatlong lalaki.
Ayon sa report, naabutan ng raiding team sa lugar ang mga suspek na sina Ronilo Oliveros Ruben alias “Babap”, 33, welder; Alan Gabriel Acueza, 43, company driver; at Jayson Valenzuela, obrero, habang nagtutupada.
Pero habang inaaresto umano ni Briz si Ruben pumalag umano ito at biglang dinakma ang service firearm nito.
Dito na nakipag-agawan ang nasabing pulis sa baril hanggang sa magawang paputukan ng suspek ang biktima saka mabilis na tumakas.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad, naaresto si Ruben sa pinagtataguan nito sa Brgy. 4 Quinale, Paete, Laguna ng nasabi rin araw.
Nabawi kay Ruben ang baril ng pulis na nagsilbi ring murder weapon sa krimen.
Ang mga kasama ni Ruben na sina Acueza at Valenzuela, kapwa nasa kustodya na ng pulisya.
Ipinangako ng Laguna PNP na magpapaabot sila ng tulong-pinansyal at iba pang benepisyo sa naulilang pamilya ng kanilang kasamahan na nasawi sa insidente.