Advertisers
Patay ang apat katao at limang iba pa ang sugatan sa magkakahiwalay na road mishap sa lalawigan ng Cagayan noong Linggo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Danilo Laranan, 47, residente ng Brgy. Paraiso, Cabatuan, Isabela; Jupiter Adviento, 38, tubong Alcala subalit nakatira sa Brgy. Aguicguican, Gattaran; Juanita Herrera, 85; at Rosa Blanche, 70, kapwa ng Barangay Sta. Barbara, Iguig sa Cagayan.
Ayon sa report, si Laranan ay nasawi nang mahulog sa kanal ang minamanehong truck (WRJ-918) na puno ng palay sa bahagi ng national highway ng San Mariano, Lallo habang si Adviento ay nasawi matapos sumemplang ang minamanehong scooter (829-BDS) at tumama sa steel barrier sa gilid ng kalsada.
Magkasama naman ang dalawang lola na sina Herrera at Blanche na bumaba sa sinasakyang van nang sila ay masalpok ng motorsiklo na minamaneho ng isang menor-de-edad sa bahagi ng Minanga Sur, Iguig.
Ayon pa sa ulat, dead-on-the-spot noon si Blanche habang binawian naman ng buhay si Herrera matapos isugod sa Cagayan Valley Medical Hospital.
Samantala, isinugod sa Lasam District Hospital ang limang katao matapos magsalpukan ang isang scooter at tricycle sa bahagi ng national highway sa Centro 2, Lasam.