Advertisers

Advertisers

PHARMALLY EXEC, ROSE LIN, SINAMPAHAN NG KASO NG PWD

0 275

Advertisers

ISINAMPA sa Commission on Elections ang panibagong asunto laban kay Quezon City congressional candidate Rose Lin. Sa ikatlong pagkakataon, nagsampa ng vote-buying case ang kinatawan ng mga PWD sa nasabing lungsod at hiniling ang agarang pagkaka-disqualify ng naturang kandidato.

Ayon kay Timoteo Salaguste na kumakatawan sa sektor ng Persons With Disability sa District 5, QC, “Tahasan na panloloko ang ginagawa ni Rose Lin dahil ang nagiging biktima nito, gamit ang eleksyon, ay ang mahihirap na Senior Citizen at mga taong may kapansanan o PWD!”

Galit na galit ding sinabi ni Salaguste, “Hindi kami PATAY GUTOM at hinding-hindi kami magpapasilaw sa mga skemang pamimili ng boto sa kampanya ni Rose Lin!”



Si Rose Lin ay nahaharap sa 290 counts of vote buying na pormal nang nakasampa sa Comelec at sa Quezon City Prosecutor’s Office. Sa kabila ng patong-patong na reklamo, ipinagpapatuloy pa rin daw ng kampo ni Lin ang kanilang iligal na gawain. “Hindi na sila nahiya at hindi na sila natakot.

Gagawin at gagawin nila ang lahat ng paraan para makabili ng boto. Maliwanag na pang-iinsulto ito sa aking mga ka-distrito. Karapat-dapat lang na ma-disqualify na siya sa lalong madaling panahon,” sabi ni Salaguste.

Inaasahan nang maibababa ang subpoena kina Lin at sa mga diumano’y kasabwat nito sa mga nalalapit na araw. Sa pahayag ni Comelec Commissioner George Garcia, sinabi nito na matibay ang mga ebidensya laban kay Lin dahil nakapaloob sa kaso ang mga larawan at video ng sinasabing aktwal na pamimili nila ng boto.

Mabilis din ang aksyon ng COMELEC sa mga reklamo at nagpadala na ito ng mga tao at imbestigador upang kumalap ng ebidensya sa naturang siyudad. “Tayo po ay nagbigay na ng directives sa ating mga field personnel na mag-submit at isa-isa na po silang nagsa-submit ng kanilang report,” ani Garcia.

Si Lin ay isa sa mga iniimbestigahan ng Senado tungkol sa Pharmally Scam. Mariin niyang itinatanggi ang kanyang ugnayan sa anomalya pero lumabas sa pagdinig ng Senado na ang asawa nitong si Lin Wei Xiong ang Financial Manager pala ng nasabing kumpanya. Si Lin Wei Xiong ay nasa Dubai at hindi na nagbalik sa Pilipinas.



Siya ay tumatakbong independent matapos itong tanggalin ng LAKAS-CMD noong Nov 2021 sa kanilang partido.