Advertisers

Advertisers

BONG GO: DAHAS, DAYAAN ‘DI PAPAYAGAN NI PDUTERTE

0 330

Advertisers

HINIMOK ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga Pilipino na maging responsableng gamitin ang kanilang karapatang bumoto kasabay ng pagsasabing titiyakin ni Pangulong Duterte na walang mangyayaring dahas at dayaan sa halalan kung saan nakasalalay ang kinabukasan ng bansa.

Sa isang panayam matapos magbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Lungsod ng Pasig noong Martes, hinikayat ni Go ang mga Pilipino na pumili ng mga pinunong tiyak na maipagpapatuloy ang mga programang magbibigay ng komportableng buhay para sa mahihirap gaya ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Huwag n’yo pong sayangin ang inyong boto. Piliin n’yo po kung sino ‘yung nararapat, piliin n’yo po kung sino ‘yung mas makakatulong sa inyo at maiahon po at maipagpatuloy ‘yung mga programa ni Pangulong (Rodrigo) Duterte na nakakatulong naman po sa mga kababayan nating mahihirap,” sabi ni Go.



Tiniyak din ng senador sa publiko na gagawin ni Pangulong Duterte ang lahat ng makakaya upang maprotektahan ang demokratikong proseso sa pamamagitan ng malinis at mapayapang halalan.

“Nakatutok po ang ating mahal na Pangulo na to ensure peaceful and honest elections at maiwasan po ‘yung mga dahas. At hindi po papayag si Pangulong Duterte na magkaroon ng dayaan,” ani Go.



“Knowing the President for 24 years, gusto niya po respetuhin natin ang will of the people. Kung ano po ‘yung gusto ng tao, kung ano po ‘yung nasa dibdib nila… iyon ang gustong proteksyunan ng Pangulo,” idinagdag niya.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagpapanatili ng integridad ng mga resulta ng halalan dahil ang kinabukasan ng bansa ang nakataya. Binigyang-diin niya na dapat pangalagaan ang kredibilidad ng halalan para magtiwala ang publiko sa magiging resulta.



“Napakaimportante po nitong eleksyon na ito kasi kung ano po ang magiging outcome nito, nakasalalay po ang susunod na anim na taon ng ating buhay dito sa eleksyon na ito,” sabi ni Go.

“Dapat maging credible po ito at mapagkatiwalaan po itong eleksyon na ito kasi importante po ito sa atin. ‘Yung respeto po sa ating ihahalal na mga lider sa susunod na taon,” anang pa ng mambabatas.

Samantala, sinabi ni Go na bukas siya sa mga panukala na maglagay ng mga vaccination center malapit sa mga polling precinct sa panahon ng halalan upang hikayatin ang mas maraming Pilipino na kumuha ng kanilang mga immunization at booster doses. Gayunpaman, nilinaw niya na hindi ito dapat makaapekto o makaimpluwensya sa proseso ng pagboto.

“Matagal ko na pong sina-suggest na suyurin natin ang dapat suyurin, pasukin natin ang dapat pasukin, enganyuhin natin ang mga kababayan natin na magpabakuna,” sabi ni Go.