Advertisers
NAIULAT ni Department of the Interior and Local Government (DILG) UnderSecretary Jonathan Malaya kamakailan na malaking papel ang ginampanan ng mga local officials sa pagtigil ng pangingikil ng mga komunistang-terorista nitong nagdaang halalan.
Bilang bahagi raw ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang mga opisyal ng mga local goverment units (LGUs) lalo na sa mga kanayunan ay naging kaagapay ng pamahalaan sa matagumpay na pagtigil sa pananakot na ginagawa ng mga rebelde.
Ito rin ay naiulat na ni DILG Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte, na walang mga politiko o LGU officials na pumayag at bumigay sa pangingikil o ‘permit to campaign’ ng mga Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Siguro ay natakot din ang karamihan sa ating mga deputado at mga kabdidato dahil bago pa mag-halalan, nagbabala na si Sec. Año na mananagot ang sino man na bumigay sa ‘demand’ ng CPP-NPA-NDF, sa paglabag ng Republic Act 10168, kilala bilang “Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012”, Section 261 ng Omnibus Election Code at Article 137 ng Revised Penal Code or the Disloyalty of Public Officers.
Si Kuyang Enteng nga, ang magiting nating Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge, PLtGen Vicente Danao Jr., ay nagsabi na rin na ang ating mga politiko ay nagtanda na, at umiwas sa pangingikil ng mga rebelde na naging dahilan ng paghina ng mga komunistang-terorista.
Sa parte naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng taga-pagsalita nito na si Col. Ramon Zagala, ang maganda raw na komunikasyon sa bahagi ng pamahalaan sa pamamagitan ng NTF-ELCAC at mga lokal na opisyal ang nagpapababa sa bilang at lakas ng CPP-NPA-NDF lalo na sa mga lugar na dati nitong mga hawak.
Pinatunayan ito ni Davao Oriental 1st District, Congressman-elect Nelson Dayanghirang na ang sabi, sa kanyang mga nasasakupan, wala nang nakukuhang suporta ang mga CPP-NPA-NDF.
“Because we always emphasize good governance. One goverment giving services to the people. Very unpopular na ang CPP–NPA in our province,” ang sabi pa nga ng Kongresista na dating governor ng Davao Oriental.
Nagkaroon na kasi ng pagkakaisa at malaki rin ang role ng mga barangay officials, ang dagdag pa ni Dayanghirang, kaya masaya siya dahil walang nagbigay na mga politicians sa demand ng CPP-NPA-NDF. At ang Ibig sabihin daw nito ay palapit na nang papalapit ang katapusan ng mga komunistang-terorista.
Agree naman tayo diyan sa mga sinabi ng apat nating mga kasamang naglilingkod sa bayan. Ang dapat nating gawing lahat ay mag-kaisa para di makaporma ang CPP-NPA-NDF at mailigtas ang bayan sa kanilang mga masamang balak at gawain.