Advertisers
TUMAAS ng 8.8% ang average ng daily cases ng COVID-19 na naitatala sa bansa nitong nakalipas na linggo.
Batay sa weekly COVID-19 updates ng Department of Health (DOH) na inilabas nitong Lunes, nabatid na mula Mayo 23 hanggang 29, 2022, nasa 1,317 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bansa.
Ayon sa DOH, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 188, o mas mataas ng 8.8% kumpara sa mga kaso noong Mayo 16 hanggang 22.
Nabatid na sa mga bagong kaso, 12 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Wala namang naitalang pumanaw sa sakit noong nakaraang linggo.
Samantala, iniulat din ng DOH na noong Mayo 29, 2022, mayroong 679 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19.
Sinabi ng DOH na sa 2,730 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 459 (16.8%) ang okupado.
Nasa 17.2% naman ng 23,612 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.
Kaugnay nito, patuloy pa rin namang pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. (Andi Garcia)