Suporta vs. harassment, tiniyak ni Mayor Honey sa 34 barangay sa Chinatown

Advertisers
TINIYAK ni Manila Mayor Honey Lacuna ang suporta ng pamahalaang lokal kontra harassment sa 34 barangays sa buong Chinatown sa lungsod.
Ibinigay ni Lacuna ang suporta makaraang daluhan niya ang induction ng mga bagong opisyal ng Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO) kasama sina Vice Mayor Yul Servo at City Administrator Bernie Ang na nagsisilbi bilang Senior Executive Adviser ng grupo.
Ikinatuwa ng alkalde na muling binuhay ang MCBO upang tugunan ang mga suliranin na makakaapekto sa mga barangay lalo na sa Chinatown area.
“This is such a welcome development as we, in the city government of Manila, enjoin the citizens and our barangay officials to help us know and address all the problems that the city may have now or in the future,” sabi ni Lacuna.
Sinabi naman ni Ang, na nagbigay ng maiksing background ng organisasyon sa nasabing pagtitipon na ang MCBO ay magsisilbing advisory body sa lungsod upang impormahan ito ng mga kaganapan sa lugar, gayundin ng mga pangangailangan nito.
Inaasahan na ang MCBO ay maguulat at makikipagtulungan sa pamahalaang lungsod sa mga isyu na nakakaapekto sa grassroots level na nasa ilalim ng hurisdikayon ng mga barangay.
Ang mga isyu na ito ayon pa kay Ang ay kinabibilangan ng harassment mula sa law enforcement bodies, dahil madalas na nagiging target ng mga panggigipit ay ang mga Chinatown residents.
Naroon din sa pagtitipon sina DILG Secretary Benhur Abalos , former Mayor Lito Atienza, Congressman Joel Chua, third district Councilors Apple Nieto, Fa Fugoso, Tol Zarcal at Justice Abad Santos General Hospital Director Dr. Merle Sacdalan na nagsilbing master of ceremony.
Sinabi ni MCBO Executive Adviser Nelson Guevarra ang organisasyon ay pinamumunuan ni Chairman Jefferson Lau bilang president at humalili sa dating president na si Chairman Bernard Go.
Ang MCBO ay itinayo noong panahon ni Mayor Atienza at binubuo ng 34 barangay na sumasakop sa lugar ng Binondo at San Nicolas. (ANDI GARCIA)