Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
“NATUWA ako kasi magkakaroon na akong pagkakataon na mai-share ang story ko na sana’y makapagbigay-aral at pag-asa sa mga katulad ko ring nangangarap,” umpisang sagot sa amin ni Carlo San Juan nang tanungin namin kung ano ang nararamdaman niya sa isasadula sa Magpakailanman ang buhay niya.
Dating tricycle driver si Carlo na sumali sa Mr. Pogi ng Eat Bulaga! noong 2019 at nanalo at ngayon ay contract star na ng GMA at Sparkle.
Ano ang dream role/project ni Carlo? Sino ang dream leading lady niya at bakit?
“Ang dream role ko ay maging leading man sa isang romantic drama series.
“Ang dream leading lady ko ay si Bianca Umali at nagkatrabaho na kami sa isang anthology. At dun ay nakita ko na hindi lang ganda ang meron si Bianca, nakita ko kung gaano siya kahusay.”
Pinamagatang Ang Driver Na Mr. Pogi: The Carlo San Juan Story, pagbibidahan mismo ni Carlo ang episode ng Magpakailanman tungkol sa buhay niya.
Ang Ang Driver Na Mr. Pogi: The Carlo San Juan Story ay sa direksyon ni Neal Del Rosario, sa panulat ni Vienuel Ello at pananaliksik ni Angel Launo.
Makakasama ni Carlo sa Magpakailanman episode na ito sina Irma Adlawan bilang Loida, Alan Paule bilang Jun, Prince Stefan bilang Tuesday, Jay Arcilla bilang Shawn, Jeremy Sabido bilang Renz, AR Angel as Lara at Cheska Fausto as Joy.
Ano ang aral na natutunan ni Carlo sa mga pinagdaanan niya sa buhay?
“Natutunan ko sa mga naranasan ko sa buhay lalo na sa mga tao na nakasama ko na hindi masama na mangarap ng mataas basta’t gugustuhin mo lang pagtrabahuhan ito at handa kang ibigay ang lahat sa abot ng kakayanan mo habang nakakapit ka sa pagtitiwala mo sa Diyos.”
***
DALAWA ang leading men ni Jhassy Busran sa pelikulang Home I Found In You, sina John Heidrick Sitjar at Harvey Almoneda.
Tinanong namin si Jhassy kung kanino sa dalawang guwapong male stars siya mapupunta sa ending ng pelikula.
“Bawal pong mag-spoil,” at tumawa si Jhassy.
Sino ang mag guwapo para sa kanya?
“Parehas po, parehas naman po sila.”
Matapos ang Caught in The Act at Genius Teens ay mapapanood naman si Jhassy Busran sa Home I Found In You.
“Ako po dito si Selene dela Cruz po, probinsiyana po siya dito and very hardworking po siya and lahat po gagawin niya para matulungan niya yung papa niya at yung sarili niya na makaahon po sa hirap.
“And she likes painting po, hobby niya dito is painting,” kuwento sa amin ni Jhassy tungkol sa kanyang papel.
Nasa pelikula rin ang komedyanteng si Diego Llorico bilang si Mama Rona, John Heidrick Sitjar bilang Redjie “Red” Alvarez, Harvey Almoneda bilang Aldrin Padua, Orlando Sol bilang Arnold Jimenez, Soliman Cruz bilang Mario dela Cruz, at Eunice Lagusad bilang Judy-ann Pineda.