Advertisers

Advertisers

MISIS NG NAMATAY NA DRUG LORD KULONG SA ‘MONEY LAUNDERING’

0 235

Advertisers

LABING TATLONG (13) taon nang salakayin ang drug den na pag-aari ng yumaong drug lord, Amin Imam Boratong, sa Pasig City na may iniulat na kita na halos P1 bilyon kada buwan sa loob ng limang taon, at kamakailan hinatulan ng korte ang kanyang biyuda sa humigit-kumulang P1.5million money laundering.

Hinatulan ng Pasig Regional Trial Court Branch 167 si Sheryl Boratong, sinasabing pangalawang asawa, ng minimum na pagkakakulong ng pitong taon at maximum na pagkakakulong ng 13 taon, at multang P3 milyon sa bawat paglabag sa Anti-Money Laundering Act of 2001.

Sa ilalim ng mga batas ng Muslim, pinapayagan si Boratong na magkaroon ng ilang asawa.



Sa 26 -pahinang desisyon, hinatulan ng korte ang biyuda ni Boratong ng ‘guilty beyond reasonable doubt’ para sa 6 counts ng paglabag sa money laundering at inutusan siyang magbayad ng kabuuang multa na P18 milyon.

Dahil sa pagkamatay ni Boratong noong 2020 habang nakakulong sa New Bilibid Prisons sa drug case conviction noong 2009, ibinasura ng korte ang mga paratang laban sa kanya.

Sinentensiyahan naman ang biyuda ni Boratong dahil sa mga depositong P97,000 noong Pebrero 2006; P200,000, Disyembre 2005; P50,000, Enero 2006; P400,000, Disyembre 2005; at P700,000, Disyembre 2005.

“Amin and Sheryl made huge deposits in case and in small denominations. Sheryl admitted that she does not know if Amin had any lawful job at that time and she could not tell Amin’s specific business,” saad sa desisyon ng korte. “These proved beyond reasonable doubt that Sheryl knows that the money she deposited involves or relates to the proceeds of her and Amin’s unlawful activity.’’

Samantala, ang kapwa akusado ni Boratong na si Godofredo Aquino Medenilla, bank manager, ay napatunayang guilty din sa 2 counts ng paglabag sa Section 4(b) ng Anti-Money Laundering Act.



Si Medenilla ay hinatulan ng pinakamababang pagkakulong na 4 taon hanggang 6 taon at magbabayad ng multang P1.5 milyon sa bawat bilang.

Ang depensa ng bank manager na hindi niya in-approve ang mga transaksyon ng mga Boratong ay hindi nag-aalis sa kanyang krimen, sabi ng korte.

“Even if he did not actually approve the fund transfers, the law requires the accused to merely facilitate the other person’s transaction,” saad nito.

Nakasaad din sa desisyon ng korte na napatunayan ng prosekusyon na kumita si Boratong mula sa labag sa batas na aktibidad at naitransaksyon ang mga ito sa bangko, at pinalabas na ang kita ay nagmula sa lehitimong sources.

Halos 100 sundalo at operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency ang sumalakay sa “shabu tiangge” ni Boratong sa Mapayapa Compound sa Pasig City, malapit sa City Hall noong 2006.

Muling ni-raid ang shabu tiangge ng Hunyo 2007, matapos makita sa surveillance na patuloy na pinatatakbo ang shabu den kahit nakakulong na si Boratong.

Sa mga pagsalakay, narekober ng pulisya ang mga dokumento na nagpapakita ng mga ari-arian ni Boratong kabilang ang mga mamahaling sasakyan.

Sa mga naunang ulat, sinabing lumabas sa mga rekord ng pulisya na bumili si Boratong ng isang silver Hummer na nagkakahalaga ng P4.5 milyon, isang itim na Cadillac (P6.8 milyon), isang puting BMW (P2.5 milyon), isang dilaw na BMW (P3.9 milyon), isang puting Toyota Prado (P3.6 milyon), isang berdeng Nissan X-Trail (P1.9 milyon), isang berdeng Mitsubishi Adventure (P650,000), at isang asul na Toyota Corolla (P620,000).

Si Boratong ay mayroon ding milyon-milyong deposito sa bangko sa ilalim ng pangalan ng kanyang mga tsuper at malalapit na kamag-anak, sabi sa mga naunang ulat.

Kabilang sa mga ari-arian na natunton na pag-aari ni Boratong ay ang 2,000 square-meter lot na kinaroroonan ng shabu tiangge sa F. Soriano Street na binili sa halagang P12 milyon noong 2005, 2 mansyon sa mga subdivision sa Pasig (P25 milyon), 2 condo unit sa San Juan (P4.5 milyon bawat isa), 3 palapag na residential building sa Pasig City (P3 milyon), 2 rice mill sa Bulacan (P58 milyon), isang 14-door town house sa Iligan City (P25 milyon) at apat na palapag na dormitoryo sa Iligan City (P15 milyon).