Advertisers
ARESTADO ang isang lalaki na nanakal at nagtangka saksakin ang policewoman na sumita sa kanya dahil sa di pagsusuot ng facemask nitong Miyerkules sa Makato, Aklan.
Kinilala ang lalaki na si Sonny Boy Sotero, 53, ng Agcawilan, Lezo; habang ang pulis ay Patrolwoman April Joy Asejo, 24, ng Banica, Roxas City, nakatalaga sa Makato Police Station.
Sa ulat, nangyari ang insidente 3:00 ng hapon sa entrance ng Makato Public Market nang nakita ni Asejo ang lalaki na walang suot na facemask at kanya itong sinabihan.
Hindi umano pinansin ni Sotero ang policewoman at nagpatuloy ito sa paglalakad. Sinundan siya ni Asejo at sinabihang muli, subali’t hinawakan umano siya sa leeg ng lalaki at tinangkang saksakin.
Napansin ng auxiliary police na si Dennis Taay ang pangyayari, at natapik ang kamay nni Sotero na may hawak na patalim.
Kasunod nito, nagpatuloy na naglakad si Sotero papuntang Crossing Calangcang (Makato), habang nakahingi naman ng saklolo sa mga lalaking pulis si Asejo.
Naaresto si Sotero ng mga rumespondeng pulis.
Sinampahan ng kasong Direct Assault with the use of deadly weapon, Resistance and Disobedience, at paglabag sa BP 6 o Illegal Possession of Bladed weapon si Sotero na napag-alamang nasa impluwensiya pala ng alak nang mangyari ang insidente.(PFT team)