Advertisers
May isang kongresista na hindi na natin papangalanan na nagturan na ang mga napili raw ng bagong pangulo sa kanyang gabinete ay parang mga player ng Golden State Warriors.
Wala raw kasing pwede itapon eka ng ungas.“Puro mga competent at may karanasan at kakayahan ang mga nagpunta dito sa House upang iprisinta kanilang mga budget,” sabi ng sipsip na opisyal.
Panay raw mahuhusay tulad nina Steph Curry, Klay Thompson, Draymond Green, Andrew Wiggins at mga kakampi ang naitalaga sa puwesto ng anak ng diktador.
Kaso wala pang tatlong buwan ay nasipa na ang Executive Secretary, nang fake news ang Kalihim ng Press, magulo sa Dep’t of Agriculture kung saan ang presidente mismo officer-in-charge. Saka pinanindigan pa na parating kumpunihin ang kontrobersyal at magastos na dolomite beach. Hayun sanhi pa pala ng pagbaha sa Maynila.
Ano bang klaseng mga appointee yan? Tapos ikukumpara sa mga bata ni Coach Steve Kerr na kampeon nitong nakaraang season at may tatlo pang korona.
Hindi ganyan tumarbaho sina Jordan Poole, Jonathan Kuminga, Kevin Looney, James Wiseman at iba pa. Bukod sa individual talent ay maigi pa ang teamwork sa opensa at depensa.
Kumpleto sa bawa’t posisyon nguni’t itong gobyerno natin OIC lang sa ibang mahahalagang departamento. Hindi uubra yan kay Coach Kerr. Hehe
Nakakahiya yung representative at ang mga tao ni dayunyor.
Teka baka naman Red Warriors ng UE tinutukoy ng partylist rep na yan. Malayo ang line-up sa panahon ni Baby Dalupan. Hahaha.
***
Laos na si Manny Pacquiao. Naku lalo na pagdating bilang commercial endorser. Wala na tayong alam na tv ad na umeere sa ngayon. Si Hidilyn Diaz na ang sikat kaya paborito kunin ng mga advertiser. Mapapanood natin siya sa isang pain-reliever na gamot at sa isang energy drink.
Kung sabagay kasalanan din yan ni Pacman kung bakit inaayawan na siya ng mga brand. Olat siya sa halalan at talo din sa huling fight. Ayaw ng mga kumpanya sa talunan. Kailangan nila yung may mabangong pangalan. Siyempre dapat good image at reputation para madamay kanilang mga produkto.
***
Nalagay na pala sa mercado ang bahay sa Los Angeles ni Russell Westbrook. Paghahanda ang pagbebenta ng paglipat ng triple-double king sa ibang team at ibang siyudad. Kung hindi man kaagad ay sigurado hindi aabot sa 2023-2024 season.
Kung walang mahanap ang Lakers ng kapalitang prangkisa ngayon ay tiyak hahayaan na lang matapos ang kontrata o maaari ring ibuyout siya.