Advertisers
NANINIWALA ang lokal na pamahalaan ng San Miguel, Bulacan na ang quarrying activities sa mga kabundukan ang dahilan ng mabilis na pagbaha sa kanilang lugar, kasunod ng pananalasa ng super typhoon na Karding.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni San Miguel Mayor Roderick Tiongson na nasa 49 barangay sa kanilang bayan ang lumubog sa baha.
Aniya, kailangan nang kumilos ang lahat upang hindi na maulit pa ang mga ganitong insidente.
Sinabi ng alkalde na kailangang panatiliin o i-preserve, ingatan, at pangalagaan ang mga kabundukan.
Binigyang-diin nito na kung hindi dahil sa proteksyong ibinigay ng Sierra Madre, tiyak aniya na ganap na naramdaman ng kanilang bayan ang lakas ni Karding.
“Ang pagku-quarry sa kabundukan ay iyan ang nagiging sanhi ng mabilisang pagbaha ng ating lalawigan ng Bulacan. Panatilihin o mai-preserve at mapag-ingatan at pangalagaan ang ating mga kabundukan ng kalikasan dahil kung hindi po dahil sa Sierra Madre ay siguro po tumama po ng buong-buo sa bayan ng San Miguel ang Bagyong Karding,” diin ni Tiongson.