Mga atake kay First Lady Liza Marcos ‘di magtatagumpay – Atty. Alex Lopez…GADON SA MGA KRITIKO: ‘DON’T COME HOME, PLS!’
Advertisers
NANAWAGAN si Atty. Larry Gadon sa mga kritiko at kalaban ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nakabase sa labas ng bansa na manatili nalang sa abroad at huwag nang umuwi ng Pilipinas.
Sa panayam ng media, hinimok din ng palabang abogado na ideklara naring ‘persona non grata’ ang mga grupong ayaw tantanan ang administrasyon sa mga puna at batikos kahit wala sila sa Pilipinas at walang nalalaman sa mga kaganapan dito.
“Huwag na kayong umuwi ng Pilipinas dahil mabubuhay naman kami ng wala kayo,” sabi ni Gadon.
Ginawa ni Gadon ang panawagan dahil narin sa walang puknat na mga batikos sa administrasyong Marcos sa loob at labas ng bansa mula sa mga grupo na aniya’y ayaw parin tanggapin ang “overwhelming” at “landslide” na panalo ni BBM sa panguluhan noong Mayo 9, 2022.
Partikular na tinukoy ni Gadon ang Fil-Am na si Loida Nicolas Lewis na nakabase sa Amerika at masugid na tagasuporta ng mga “Dilawan”.
Suspetsa ni Gadon, isa si Lewis sa mga ‘conduit’ ng pondo ng Central Intelligence Agency/National Endowment for Democracy (CIA/NED) upang gibain ang administrasyon ni PBBM.
Ayon pa kay Gadon, “illogical” o wala sa “hulog” ang ginagawang pagdawit ng mga kalaban ni PBBM sa kanyang asawa na si First Lady Atty. Liza Araneta Marcos (FLAM) na umano’y isa sa mga “sumisira” sa administrasyong Marcos.
Paalala pa ni Gadon, nakilala ni BBM si FLAM noong 1989 sa Amerika, sa panahong nililibak at sinisiraan ang pamilya Marcos. Ikinasal sila 1993.
Aniya, kasama ni PBBM si FLAM na “nagtiis” sa lahat ng pangungutya at panghahamak na dinanas ng pamilya Marcos sa nakaraang higit 30 taon matapos silang sapilitan alisin sa Malakanyang noong 1986.
Babala pa ni Gadon, hindi rin dapat basta pinaniniwalaan ng publiko ang mga nababasa at napapanood nila sa social media at mga komentaryo ng ilang ‘vloggers’ laban kay FLAM.
Aniya pa, mayorya ng vloggers ay walang pamantayan na sinusunod sa kanilang programa sa social media at walang ‘accountability’ sa kanilang mga ulat.
Mistula rin aniyang “inuulit” lang ang ‘template’ na ginamit ng mga kalaban ni Pang. Ferdinand Marcos, Sr. kungsaan idinamay sa mga akusasyon ang kanyang pamilya at si First Lady Imelda Romualdez Marcos upang sirain ang unang Marcos administration.
Para naman kay Atty. Alex Lopez na ‘classmate’ ni FLAM sa kolehiyo hanggang sa pareho silang maging abogado, hindi magtatagumpay ang ginagawang mga atake laban sa huli.
“Disente, tahimik at simpleng tao lang si Atty. Liza,” ani Lopez na higit 45 taon nang kilala at kaibigan ni FLAM.
“Tantanan na ninyo si First Lady dahil hindi kayo magtatagumpay,” panawagan pa ni Lopez sa mga kritiko ni Atty. Liza Marcos.
Si Lopez ang piniling kandidato bilang alkalde ng Maynila sa halalan nitong Mayo 9, 2022 ng ‘UniTeam’ ni PBBM at Vice President Sara Duterte.