Advertisers
BAWAL at hindi pinahihintulutan ng Department of Health (DOH) ang mga pagamutan na mag-charge sa mga pasyente para sa mga personal protective equipment (PPE) na idinonate lamang sa kanila ngayong panahon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ang inihayag kahapon ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire sa isang online press briefing.
Ayon kay Vergeire, bagamat alinsunod sa Department Order 2020-0269 ay pinapayagan ang mga pagamutan na mag-charge ng PPEs sa kanilang mga pasyente, mahigpit naman anilang ipinagbabawal ng DOH ang pag-charge para sa PPEs na donasyon lamang sa kanila.
“Yes, they are allowed to charge [for PPEs] under the Department Order 2020 0269, but charging for PPEs which are donated to them is strictly prohibited,” pahayag pa ni Vergeire.
Ipinaliwanag rin niya na mayroon silang inventory ng mga donated na PPEs para mamonitor nila kung may overpricing ng mga ito.
Dagdag pa niya, maaari lamang ding mag-charge ang mga ospital sa mga pasyente ng bahagi ng administrative cost ng PPE, o yaong akomodasyon na ibinibigay ng ospital para sa COVID-19 patients at bilang ng health workers na kinakailangang mag-alaga sa pasyente.
“The allowable amount [to be charged] is 30% of the total administrative cost,” ani Vergeire.
“Kung nasa intensive care unit ang pasyente, critical care iyon kaya mas maraming magagamit na PPE. Kung nasa ward [na may ibang pasyente], ‘pag nag-rounds ang doktor, isahan lang iyon, kaya mas kaunti ang paggamit ng PPE roon,” paliwanag pa niya. (Andi Garcia)