Advertisers
NAGMATIGAS si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief, General Gerald Bantag, na susuko lamang siya kung magre-resign si Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla.
Ito ay sakaling magpalabas ng ‘warrant of arrest’ laban sa kanya kaugnay sa murder cases na isinampa sa kanya hinggil sa pagpamatay sa brodkaster na si Percy Lapid at “middleman” na inmate ng National Bilibid Prison na si Jun Villamor.
“Definitely haharapin ko ito kasama ng aking mga supporter pero kung hindi tumalima si Boying, si SOJ, na mag-step down ay hindi ako susuko kung may warrant ako. Bakit ako susuko eh ‘di niluto na naman nila ako, pero ‘pag wala si Boying, ‘yan pwede na akong sumuko,” ani Bantag.
Magugunitang tinawag ni Bantag na “sinungaling, protektor ng druglords at gumagamit ng marijuana” si Remulla at siyang nasa likod ng pagpatay sa brodkaster.
Dagdag pa ni Bantag, isang German Agojo ang kontak ni Remulla, na konektado naman sa gunman na si Joel Escorial at Villamor. Dito ay makikita ang koneksyon ni Remulla sa mga killer.
Kumpiyansa rin si Bantag na hindi siya kayang idiin ni DSO Ricardo Zulueta na kapwa nya akusado sa Percy Lapid killing.(JONAH MALLARI)