Advertisers
IKINADISMAYA ng Makabayan bloc lawmaker ang biglang pagbago ng ihip ng hangin kaugnay sa pondo na ilalaan para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa taong 2023.
Ito’y kasunod sa naging pahayag ni House Committee on Appropriations Chair Elizaldy Co na ibabalik nila ang natapyas na pondo ng NTF-ELCAC.
Sinabi ni Gabriela Party List Representative Arlene Brosas, nakapagtataka kung bakit binawi ang unang desisyon na tapyasan ng pondo ang task force.
Hindi umano maintindihan ng militant lawmaker kung bakit biglang kumambiyo at ibabalik ang natapyas na pondo.
Punto ni Brosas matagal na nilang pinagdebatihan sa Kamara ang pagtapyas ng P5 billion sa pondo ng task force dahil wala namang mga proyekto ang natapos.
Diin ng mambabatas, ang NTF-ELCAC ay mayruong hindi magandang record sa paggasta ng pondo.
Aniya, nasa 50% pa lamang ang naipatupad na proyekto ng NTF-ELCAC para sa taong 2021 at sa kasalukuyang taon nasa 2% pa lamang ang nagagamit na pondo.
Kaya hamon ni Brosas sa bicameral committee na tapyasin at tanggalin ang budget ng NTF-ELCAC.
Una ng inihayag ni Representative Co sa pamunuan ng NTF-ELCAC na ayusin ang pagpapatupad ng mga proyekto.